Nakalaya na ang mahigit 200 inaresto kaugnay ng mga protesta sa pagbubukas ng ASEAN Summit, ngunit iginiit ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na pitong menor de edad ang nananatili sa kustodiya, taliwas sa pahayag ng Department of Justice (DOJ).
Ayon sa NUPL, 216 indibidwal ang nakalaya mula sa Camp Bagong Diwa. Limang menor de edad din ang pinalaya mula sa Bahay Pag-asa noong November 17.
Nauna namang sinabi ni DOJ spokesperson Polo Martinez noong November 18 na nakalaya na ang lahat ng 20 menor de edad, batay sa impormasyon ng Muntinlupa City Prosecutor’s Office.
Kinontra ito ng NUPL. Ayon sa grupo, sumasailalim pa sa discharge conferences ang pitong bata at wala pa sa kanila ang nakalalabas.
“The DOJ must immediately rectify its statement and accurately disclose the continuing detention of these children,” giit ng NUPL.
Iniutos ng piskalya noong November 18 ang pagpapalaya sa lahat ng respondent habang nagpapatuloy ang preliminary investigation sa ilang reklamo.
Ibinasura ni Senior Assistant City Prosecutor Elvin Keith Barrios ang mga reklamong malicious mischief at alarms and scandals dahil sa kakulangan ng prima facie evidence, o paunang ebidensiyang sapat para ituloy ang mga ito.
Isinailalim naman sa karagdagang imbestigasyon ang mga reklamo kaugnay ng Public Assembly Act, resistance and disobedience to a person in authority, at grave coercion. Hindi pinagbigyan ang hiling ng NUPL na ibasura ang lahat ng reklamo.
Ayon kay Martinez, makapagsusumite ang mga respondent ng counter-affidavit at ebidensiya bilang depensa. Sa 233 indibidwal na ini-refer ng pulisya sa piskalya, 213 ang nasa hustong gulang at 20 ang menor de edad.
Sinabi rin niyang ibinasura ang mga reklamo laban sa anim na batang wala pang 15 taong gulang at ini-turn over sila sa kanilang mga magulang o legal guardian para sa angkop na intervention.
Iginiit ng NUPL na ipinakita ng resolusyon ang kabiguan ng pulisya na sapat na tukuyin ang indibidwal na partisipasyon ng mga respondent sa mga ibinibintang na paglabag.
Hiniling ng grupo ang agarang pagpapalaya sa pitong menor de edad, pagbabasura sa natitirang mga reklamong tinawag nitong walang batayan, at pananagutan ng mga pulis sa umano’y walang habas na pag-aresto.
Naganap ang mga pag-aresto noong November 15, kasabay ng pagbubukas ng 49th ASEAN Summit. Kinondena ito ng mga grupong pangkarapatang pantao, mambabatas at mga miyembro ng simbahan, na nanawagan ding imbestigahan ang mga alegasyon ng pang-aabuso ng pulisya. /Bistado


