Magtutuos ang PLDT at Choco Mucho ngayong Huwebes sa hangaring makuha ang ikatlong awtomatikong puwesto sa semifinals ng PVL All-Filipino Conference Siklab Series.
Kapwa may 4-3 rekord ang High Speed Hitters at Flying Titans na maghaharap sa alas-6 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Makakasama ng mananalo sa semifinals ang walang talo na Nxled at ang Farm Fresh, habang nakasalalay naman sa magiging resulta ng iba pang koponan ang kapalaran ng matatalo.
Mananatili rin sa mananalong koponan ang maliit na tsansang makapasok sa top two na may kaakibat na twice-to-beat advantage.
Galing ang Choco Mucho sa limang set na panalo kontra sa kapatid na koponang Creamline, 23-25, 25-13, 25-23, 22-25, 15-13, noong Nobyembre 12.
Samantala, tinalo ng PLDT ang eliminated na Galeries Tower High Risers, 25-13, 25-23, 23-25, 25-18, noong Nobyembre 14.
Tinalo ng PLDT ang Choco Mucho sa kanilang huling tatlong paghaharap, kabilang ang dalawang panalo sa apat na set sa All-Filipino at On Tour conferences ngayong taon.
Nasiguro na ng Nxled ang unang puwesto matapos magtala ng malinis na 7-0 rekord, na pinatibay pa ng apat na set na panalo kontra Creamline, 25-20, 12-25, 25-21, 25-19, nitong Martes.
Kailangan pang harapin ng Farm Fresh (5-2) ang Creamline (4-3) sa huling araw ng elimination round sa Sabado.
Kung matatalo ang Cool Smashers, may pagkakataon pa rin makalusot sa semifinals ang matatalo sa paghaharap ng PLDT at Choco Mucho.
Sa ganitong senaryo, magkakaroon ng magkaparehong 4-4 rekord ang dalawang koponang matatalo, kaya papasok ang tie-breaking rules ng FIVB.
Sa ganitong sitwasyon, magiging mahalaga ang set at point ratios, dahilan upang maging mapagpasya ang bawat set na mapanalunan at bawat puntong makukuha sa laban ngayong Huwebes.
Mas buo at balanse ang lineup ng PLDT, sa pangunguna nina Savi Davison, Kim Dy, Jovie Prado, Majoy Baron, Mika Reyes at Alleiah Malaluan.
“I think coming off their win, they’re also motivated, and I think today makes us tied in the rankings. I think we know that they are coming in strong, and this is also motivation for us. So, I think we really have to dive in on our side especially, and kind of work on the things that we need to work on, and not so much focus on their side, but how we can play to our full potential coming off this game,” pahayag ni Davison.
“Because if we’re all on the same page, if we’re all ready to compete, I feel like we can give anyone a hard time. So, it’s really up to us and how our preparation goes this week, and hopefully we come prepared.”
Maaasahan naman ng Choco Mucho sina Sisi Rosales, Eya Laure, at ang matatag na supporting cast na kinabibilangan nina Kat Tolentino, Maddie Madayag, Caitlin Viray at Jewel Encarnacion.
Partikular na naging mahalagang karagdagan sa koponan si Encarnacion matapos magtala ng 10 puntos sa kanilang panalo kontra Creamline.
Samantala, maghaharap naman ang mga koponang naalis na sa semifinals race na Capital1 (2-5) at Galeries Tower (1-6) sa pambungad na laro ganap na ala-1 ng hapon.
Hangad ng dalawang koponan na makalikom ng puntos para sa susunod na torneo na Sigla, na magsisilbing qualifier para sa Philippine Grand Championship (Sinag) sa Marso 2027.


