Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Nxled, No. 1 sa semis; Creamline, lugmok sa ikatlong sunod na laro

Nakabawi ang Nxled mula sa malamyang second set upang patumbahin ang Creamline, 25-20, 12-25, 25-21, 25-19, sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series sa Philsports Arena sa Pasig City nitong Martes.

Dahil wala pa rin talo sa pitong laro, nasiguro ng Chameleons ang unang puwesto sa semifinals at ang twice-to-beat bonus.

Ikatlong sunod na pagkatalo naman ito para sa 11-time champion na Creamline, na bumagsak sa 4-3 kartada. Kailangan nilang manalo sa susunod na laban kontra sa No. 2 Farm Fresh sa Sabado upang manatiling buhay ang kampanya.

Pag-aagawan naman ng PLDT at Choco Mucho, na kapwa may 4-3 rekord, ang ikatlong puwesto sa semifinals sa kanilang paghaharap sa Huwebes, alas-6 ng gabi, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ikinalat ni Gel Cayuna ang opensa ng Nxled kina Brooke Van Sickle at Myla Pablo, habang pinananatiling buhay ang middle attack sa tulong nina MJ Phillips at Jackie Acuña.

Naging susi sa panalo ng Nxled ang kanilang pagiging kalmado at agresibo sa serbisyo, partikular sa fourth set kung saan muntik nang makapuwersa ng deciding set ang Creamline matapos makalamang, 16-13.

Muling nanguna si Van Sickle sa opensa sa kanyang 19 puntos, habang nag-ambag si Phillips ng 15 at si Pablo ng 12, kabilang ang anim na blocks. 

Nagdagdag si EJ Cariño ng siyam na puntos at 16 receptions, habang nagtala naman si Acuña ng pitong puntos.

Nanguna para sa Creamline si Bernadeth Pons na may 18 puntos, sinundan nina Tots Carlos na may 13, Michele Gumabao na may siyam at Bea de Leon na may pito.

“Credit to Creamline because they really made us work for this win. But we kept reminding ourselves to stay composed, trust our system and remain patient. Thankfully, that approach worked for us,” pahayag ni Cayuna, na nagtala ng 20 excellent sets sa loob ng dalawang oras na laban.

Sa unang laro, nakabawi ang ZUS Coffee laban sa Akari, 25-22, 22-25, 25-18, 25-21.

Hangad ng Thunderbelles na makalikom pa ng mga puntos dahil ang pinagsamang standings mula sa unang dalawang yugto ang magtatakda ng kanilang puwesto sa huling bahagi ng torneo.

Dahil sa ikalawang panalo sa pitong laro, umangat sa pitong puntos ang ZUS. Huling kalaban nila ang first semifinalist na Nxled sa Nobyembre 21.

Pinangunahan ni AC Miner, na nagbalik sa kanyang natural na posisyon bilang middle blocker, ang ZUS matapos magtala ng 16 puntos mula sa 15 attacks at isang block. 

Nag-ambag naman sina Zam Nolasco at Chinnie Arroyo ng 12 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“We’re so hungry to get the win since we started with a 0-5 card, so we’re really giving our best in our last two games kasi wala naman ng mawawala sa amin,” ani Miner. “Mas naging aggressive kami kasi kahit sino ang ipasok from first set to fourth, binigay ang lahat sa game na ‘to.”

Nag-ambag din ang beteranang si Jovelyn Gonzaga ng siyam na puntos at 11 excellent digs, habang nagtala naman si Chai Troncoso ng walong puntos sa loob ng isang oras at 49 minutong panalo.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng ZUS matapos makalusot sa Galeries Tower noong nakaraang linggo, 17-25, 21-25, 25-20, 25-20, 15-12.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles