Target ng Pilipinas na makumpleto ang lahat ng 19 priority economic deliverables sa ilalim ng pamumuno nito sa ASEAN bago matapos ang 2026, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inihayag ito ni Marcos sa pagbubukas ng plenary session ng 49th ASEAN Summit sa Philippine International Convention Center sa Pasay nitong Linggo, November 15.
Saklaw ng mga target ang digitalization at artificial intelligence, seguridad at koneksyon sa enerhiya, matatag na supply chain, kalakalan, makakalikasang pag-unlad, maliliit na negosyo, inobasyon at creative economy.
Kabilang sa mga pangunahing layunin ang paglagda sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), na naglalayong palakasin ang kooperasyon sa digital trade, e-commerce, electronic payments at cybersecurity.
Ayon kay Marcos, bahagi ang mga hakbang ng pagpapalakas ng koneksyon ng mga merkado, imprastraktura, teknolohiya, enerhiya at pananalapi sa rehiyon.
Mahigit 100 outcome documents na rin ang naisulong sa ASEAN Summit at mga kaugnay na pulong matapos ang ilang buwang koordinasyon at negosasyon ng mga kasaping bansa at kanilang mga katuwang.
Nakaangkla ang mga ito sa ASEAN 2045 vision at sa tatlong prayoridad ng Philippine chairship: peace and security anchors, prosperity corridors at people empowerment.
Iginiit ni Marcos na kailangang magtulungan ang mga pamahalaan, negosyo, civil society, akademya at mga komunidad upang maisakatuparan ang mga pangmatagalang layunin ng rehiyon.
Binigyang-diin din niyang dapat makarating sa mga pamilya at komunidad ang pakinabang ng mas mahigpit na ugnayang pang-ekonomiya ng ASEAN. /Bistado


