Pinataob ng Farm Fresh ang Capital1, 25-17, 25-21, 23-25, 25-23, upang makasiguro ng puwesto sa semifinals ng PVL All-Filipino Conference Siklab Series sa Philsports Arena sa Pasig City nitong Sabado ng gabi.
Tiniyak ng panalo ang pag-usad ng Farm Fresh sa susunod na yugto matapos magtala ng 5-2 kartada.
Umangat ang Foxies sa solong ikalawang puwesto at nakasiguro ng tiket sa semifinals kahit mayroon pa silang natitirang isang laro sa elimination round.
Nagtala ng 25 puntos ang reigning league Most Valuable Player na si Trisha Tubu, matapos magpasabog ng 30 puntos sa nakaraang laro ng Foxies kontra PLDT.
“Sobrang importante ‘tong game na ‘to para sa ranking. Talagang hindi na namin pinaabot ng fifth set. Sobrang sarap sa feeling na nag work talaga lahat,” pahayag ni Tubu matapos muling makuha ang Best Player of the Game award.
Target ng Foxies na makapagtala pa ng isa pang panalo kontra Creamline Cool Smashers sa Nob. 21 upang makuha ang isa sa inaasam na unang dalawang puwesto at ang twice-to-beat advantage sa semifinals.
Nananatili rin may tsansang makamit ang ikalimang panalo ang Creamline (4-2), Choco Mucho at PLDT.
Magtutuos ang Flying Titans at High Speed Hitters, na kapwa may 4-3 kartada, sa isang halos knockout na laban sa Nob. 19 sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Samantala, kinailangang magpakahirap ng PLDT bago talunin ang Galeries Tower, 25-13, 25-23, 23-25, 25-18, sa unang laro, kahit hindi na kabilang sa karera sa semifinals ang huli.
Pinuri ni ace libero Kath Arado, na nag-ambag ng 22 excellent digs upang makuha ang Player of the Game award, ang depensa ng Galeries.
Aminado siya na kailangan pang maging mas consistent ng kanyang koponan.
“Credit to Galeries Tower. Ang ganda talaga ng defense nila. We knew they would put up a fight because we had watched their previous games and saw how well they played,” ani Arado.
“We knew it wouldn’t be an easy game. But our adjustments, particularly with our service game, made the difference in the end.”


