Binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Artificial Intelligence Council (NAIC) para pangasiwaan ang pagpapatupad ng pambansang gabay sa responsable, ligtas at etikal na paggamit ng artificial intelligence sa Pilipinas.
Sa Executive Order No. 131 na nilagdaan noong November 12, pinagtibay din ang AI Governance Framework na gagabay sa pagbuo ng mga polisiya, koordinasyon ng mga ahensiya at pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa AI.
“Kailangan tiyakin din na ang pag-unlad ng AI ay may konkretong pakinabang sa mga manggagawa, negosyo, komunidad at buong bansa,” ani Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa briefing noong Sabado.
Ayon kay Castro, layon ng kautusan na magkaroon ng iisang direksiyon sa pagpapaunlad at paggamit ng AI, kasama ang mga proteksiyong magpapanatili sa tiwala ng publiko.
Pamumunuan ng Executive Secretary ang konseho, habang vice chairperson ang kalihim ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev). Direkta itong mag-uulat sa Pangulo.
Kasama ang mga pinuno ng DICT, DOST, DTI, DOF, DepEd, DOLE, DBM, CHED at TESDA, at isang kinatawan ng pribadong sektor.
Pipiliin ng Pangulo ang pribadong kinatawan mula sa mga nominado ng mga organisasyon ng negosyo. Tatlong taon ang termino nito at maaaring maitalaga muli nang isang beses.
Bubuo ang konseho ng limang technical working group para sa mga institusyon, datos at pananaliksik, kasanayan, imprastraktura, at pagpapalawak ng pamumuhunan at paggamit ng AI.
Saklaw ng mga plano ang pagsasanay sa mga manggagawa, AI at digital literacy, scholarship, pananaliksik at maaasahang mga sistema ng datos na sumusunod sa mga batas sa privacy.
Itutulak din ang abot-kaya, mabilis at ligtas na digital infrastructure, kasama ang pagpaplano para sa pangangailangan nito sa kuryente at tubig. Hihikayatin ang public-private partnerships at iba pang paraan ng pagpopondo para maabot ng AI ang maliliit na negosyo at startups.
Inaatasan ang DICT na magpatakbo ng digital platform para subaybayan ang pagpapatupad. Mag-a-update kada quarter ang mga ahensiya, at magsusumite ang konseho ng ulat sa Pangulo sa loob ng 30 araw matapos ang bawat quarter.
Rerepasuhin ang framework nang hindi bababa sa isang beses kada dalawang taon, o mas maaga kung may mahahalagang pagbabago sa teknolohiya, regulasyon o merkado.
Kukunin ang paunang pondo sa kasalukuyang alokasyon ng mga kasaping ahensiya at iba pang pondong matutukoy ng DBM, alinsunod sa mga tuntunin sa pagbabadyet, accounting at auditing. Isasama naman ang susunod na pangangailangan sa taunang panukalang badyet ng mga ahensiya. /Bistado


