Nangako si Charlito Martin Mendoza, papasok na komisyoner ng Bureau of Customs (BOC), na palalakasin niya ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa, pananatilihin ang koleksiyon ng ahensya at padadaliin ang lehitimong kalakalan.
Sa pahayag nitong Huwebes ng gabi, November 12, sinabi ni Mendoza na makikipagtulungan siya sa mga tauhan ng Customs para isulong ang mga prayoridad nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Finance Secretary Frederick Go. Pinasalamatan niya si Marcos sa paghirang sa kanya.
Mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), lilipat si Mendoza sa Customs bilang kapalit ni Commissioner Ariel Nepomuceno. Tiniyak niyang itutuloy ang mga repormang sinimulan ng kanyang hinalinhan.
“We will build on his accomplishments and continue the work already underway,” ani Mendoza.
Pinasalamatan din ni Mendoza ang mga nakasama niya sa BIR. Aniya, ang isang taon niya sa ahensya ang pinakamahirap at pinakamakabuluhan sa kanyang karera sa serbisyo publiko. Kabilang sa mga ipinagmamalaki niya ang pag-usad ng BIR sa paggamit ng mga digital na sistema.
Hiniling ni Mendoza sa mga tauhan ng BIR na suportahan ang papalit sa kanyang si Rolando Ligon Jr. at tapusin ang mga proyektong sinimulan para gawing mas moderno ang serbisyo sa mga nagbabayad ng buwis. /Bistado


