Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

VP Sara tumanggap ng P2.14M sa Gencorp, pag-amin ng defense witness

Umamin ang sariling testigo ng kampo ni Vice President Sara Duterte na nakatanggap ang Bise Presidente ng mahigit P2.14 milyon mula sa kumpanyang nagpapatakbo ng isang Jollibee branch sa Davao City, ngunit hindi nito maipakita ang dokumento o halaga ng orihinal na puhunan.

Sa impeachment trial nitong Miyerkules, November 11, sinabi ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, in-house counsel ng GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corporation, na may tinawag siyang “loose investment” si Duterte sa Jollibee Times Square branch.

Ayon sa testigo, dating stockholder si Duterte ng Davao Bounty, isang kumpanyang hindi nakakuha ng franchise. Nailipat umano ang kanyang puhunan sa mga sumunod na operator ng naturang branch.

“So, the same loose investment is now carried over to GenCorp,” ani Punay.

Nilinaw niyang walang shares si Duterte sa GenCorp at sa partikular na Jollibee branch lamang nakaugnay ang sinasabing puhunan.

“It is an investment in the specific branch only, meaning it is only in Times Square branch and not the whole corporation, sir,” paliwanag niya.

Batay sa transaction summary ng accountant ng GenCorp, nakatanggap umano si Duterte ng P337,500 noong 2022, P555,750 noong 2023, P612,419.14 noong 2024 at P636,700 noong 2025.

Umabot sa P2,142,369.14 ang kabuuang bayad sa loob ng apat na taon.

“It’s a return of capital, sir,” sagot ni Punay nang tanungin tungkol sa mga natanggap ni Duterte.

Sinabi niyang ibinayad ang mga halaga sa pamamagitan ng mga tsekeng nagmula sa bank account ng Jollibee Times Square branch.

Gayunman, ginisa ni Senate Presiding Officer Francis Escudero ang testigo kung magkano ang orihinal na puhunan ni Duterte at kung may dokumentong nagpapatunay nito.

“What’s the basis of giving her anything?” tanong ni Escudero. “So magkano po ba yung investment na yun?” dagdag niya.

“Unfortunately, Your Honor, I could not verify also the amount because there are no written records for this investment,” pag-amin ni Punay.

Kinuwestiyon din ni Escudero ang paulit-ulit na bayad sa ilang buwan ng 2023 at 2025, gayundin ang kawalan ng mga nakatalang bayad mula January hanggang April 2024.

Humingi naman si Senator-Judge Risa Hontiveros ng kopya ng dokumentong pinagbatayan ng testigo.

Samantala, nagpasalamat ang House prosecution panel sa testimonya ni Punay dahil kinumpirma nito ang mga bayad na natanggap ni Duterte, kahit ipinatawag siya ng depensa para kuwestiyunin ang Table 39 ng forensic report ni Atty. Alexander Cabrera.

“Akala ko nga testigo namin yun,” biro ni Manila Rep. Joel Chua sa press conference matapos ang pagdinig. “So obviously, mukhang pati siya, nalito na rin siya sa mga kanyang statement,” dagdag niya.

Ayon naman kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, lalo lamang napatibay ng testimonya ang kanilang kaso kaugnay ng umano’y unexplained wealth at financial disclosures ni Duterte.

“So, the word that I would probably use is maraming salamat at mas pinatatag niyo po ang aming kaso,” ani Adiong.

Nananatiling pinagtatalunan sa impeachment court ang kahulugan ng mga bayad at kung paano ito dapat ituring sa mga deklarasyon ng ari-arian at interes sa negosyo ng Bise Presidente. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles