Binara ng Malacañang si Vice President Sara Duterte matapos umano nitong ihambing sa isang “hinliliit” ang puwersang militar ng Pilipinas laban sa malaking kamao ng China.
Sa press briefing nitong Martes, November 10, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na minamaliit ng Bise Presidente ang kakayahan ng mga Pilipino na ipagtanggol ang sariling bansa.
“Ni-humiliate ng Bise Presidente, minaliit ng Bise Presidente Sara Duterte ang kakayahan ng mga Pilipino,” banat ni Castro.
Iginiit niyang hindi dapat maliitin ang tapang ng mga Pilipino kahit mas malaki ang puwersa ng ibang bansa.
“Maliit mang bansa tayo kung magkakaisa-isa ang bawat Pilipino, walang makakatalo sa katapangan, kagitingan ng isang tunay na Pilipino,” aniya.
Pinaalalahanan din ni Castro ang mga lider na hindi dapat sumuko sa pagtatanggol sa bansa.
“Ang isang liderato, hindi dapat sumusuko. Ang sabi ng Pangulo, iisa lang ang bansa natin, iisang bansa ang dapat natin pinoprotektahan,” giit niya.
“Magkakaiba man ang opinion sa ibang bagay pero ang pagmamahal sa bansa ay hindi dapat nahahati-hati,” dagdag niya.
Nagbabala rin ang opisyal laban sa mga tinatawag na “Manchurian candidates,” o mga politikong maaaring lihim na kontrolado o naiimpluwensyahan ng dayuhang interes.
Wala namang pinangalanan o iniharap na ebidensya si Castro laban sa sinumang partikular na personalidad.
“Kaya tandaan natin, baka marami nang Manchurian candidates ang nakapaligid sa ating bansa, mag-ingat po tayo,” ani Castro. /Bistado


