Pwede nang payagan ang mga batang testigo na tumestigo sa pamamagitan ng videoconferencing kahit nasa labas ng courtroom para hindi na sila makaranas ng dagdag na trauma sa paglilitis.
Ito ang isa sa mga pagbabago sa Revised Rule on the Examination of Child Witnesses (RRECW) ng Supreme Court na sinuportahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao nitong Biyernes, November 6, layunin ng bagong patakaran na protektahan ang mga batang nakaranas ng pang-aabuso, pagsasamantala at karahasan.
“The justice system must not become an additional source of trauma for children who have endured abuse, exploitation, or other forms of violence,” ani Dumlao.
Sa ilalim ng binagong patakaran, maaaring payagan ng korte ang video testimony kung posibleng magdulot ng trauma ang personal na pagharap ng bata.
Pwede ring gamiting ebidensya, sa ilalim ng mga itinakdang kondisyon, ang recorded interviews at electronically recorded depositions para maiwasan ang paulit-ulit na pagtatanong.
Hindi rin pipiliting tumestigo sa courtroom ang mga bata o manatili roon habang ipinapakita ang mga materyal na may tahasang sekswal na nilalaman.
Mahigpit ding pananatilihing kumpidensyal ang kanilang mga rekord. Maaaring maharap sa contempt of court ang sinumang maglalantad ng kanilang pagkakakilanlan o social media details.
Sakop ng patakaran ang mga batang biktima ng krimen, children in conflict with the law at iba pang batang testigo sa criminal, civil, special at administrative proceedings.
Tiniyak naman ng DSWD na magbibigay ito ng counseling, psychosocial support at rehabilitation services sa mga batang nangangailangan ng tulong habang dumaraan sa proseso ng hustisya. /Bistado


