Tinanggap ng Senate impeachment court ang bank records, tax documents at iba pang financial records ni Vice President Sara Duterte bilang ebidensya sa natitirang kaso ng umano’y unexplained wealth laban sa kanya.
Kasabay nito, ibinalik ng korte ang gag rule na nagbabawal sa mga partido na talakayin sa publiko ang merito ng impeachment case, kabilang ang mga kasong binawi na ng prosekusyon.
Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol nitong Biyernes, November 6, inilabas ni Presiding Officer Francis Escudero ang 22-pahinang kautusan noong Huwebes matapos suriin ang mga dokumentong iniharap ng prosekusyon para sa Article II.
Ibinasura ng korte ang pangkalahatang pagtutol ng depensa na isang “fishing expedition” ang pagkuha ng mga dokumento sa pamamagitan ng subpoena. Hindi rin sapat na dahilan para tanggihan ang ebidensya ang hindi pagkakasama ng mga ito sa orihinal na impeachment complaint.
Kabilang sa tinanggap ang statements of assets, liabilities and net worth (SALNs) ni Duterte, mga dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Anti-Money Laundering Council (AMLC), Securities and Exchange Commission (SEC) at financial records mula sa siyam na bangko.
Tinanggap din ang mga titulo ng lupa sa Davao City at Island Garden City of Samal, insurance at investment records, at mga sertipikasyon ng rehistradong baril ni Duterte at ng mister niyang si Atty. Manases Carpio.
Gayunman, nilimitahan ang paggamit sa financial records mula 2007 hanggang 2021. Pwede lamang itong gamitin para tukuyin ang kalagayang pinansyal ni Duterte bago siya maupong Bise Presidente noong June 30, 2022, at hindi para patunayan ang hiwalay na mga paglabag bago ang kanyang kasalukuyang termino.
Hindi naman pinayagan ang Commission on Audit (COA) disallowance records kaugnay ng confidential funds sa binawing Article I.
Ibinasura rin ang corporate records at forensic computations tungkol sa JTC Group of Companies Philippines Inc. at Pikimong Pikimong Philippines Corporation dahil walang kaugnayan ang mga ito sa natitirang kaso.
Nilinaw ng korte na hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon dahil lamang tinanggap ang mga dokumento.
“Admitting a document into the record does not mean the Court has ruled that the Prosecution’s allegations or computations are true,” ani Tongol.
Ang mga senador-hukom pa rin ang magpapasya kung sapat ang ebidensya para patunayan ang kaso.
Ipinagbawal din ang paglalathala online o pamamahagi nang walang pahintulot ng mga protektadong bank, tax, AMLC at personal records.
Dahil tapos nang magharap ng ebidensya ang prosekusyon, pinayagan ang depensa na gamitin ang mga dokumentong tinanggap na ng korte nang hindi na kailangang muling isumite ang mga ito.
Samantala, muling ipinatupad ang gag rule sa lahat ng impeachment articles matapos ang apela ni Senator-Judge Francis Pangilinan na baligtarin ang desisyon noong October 13 na nagluwag sa pagbabawal.
Naghain din si Duterte ng manifestation noong November 4 na hindi niya isinusuko ang proteksyon ng nasabing patakaran.
Bawal nang magbigay ng pampublikong pahayag tungkol sa merito ng impeachment case ang mga partido, abogado at iba pang sakop ng kautusan, alinsunod sa mga parusang itinakda ng korte noong August 26.
Magpapatuloy ang paglilitis sa Lunes, November 9, alas-10 ng umaga, kung kailan magsisimulang magharap ng ebidensya ang depensa para sa Article II. /Bistado


