Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Walang trabaho sa PH, sumirit sa 2.86M; unemployment rate umakyat sa 5.4%

Umakyat sa 2.86 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong September 2026, mas mataas ng halos 900,000 kumpara sa 1.96 milyon sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, November 6, tumaas sa 5.4 porsiyento ang unemployment rate mula 3.8 porsiyento noong September 2025 at 5.3 porsiyento noong August 2026.

Sa kabila nito, dumami rin ang may trabaho sa 50.32 milyon mula 49.60 milyon noong nakaraang taon. Gayunman, bumaba ang employment rate sa 94.6 porsiyento mula 96.2 porsiyento.

Pinakamalaki ang nawalang trabaho sa construction sector na umabot sa 271,000, kasunod ang arts, entertainment at recreation na may 163,000, at information and communication na may 105,000.

Samantala, pinakamalaking dagdag-trabaho ang naitala sa accommodation at food services na may 834,000, kasunod ang transportation at storage na may 254,000.

Bumaba naman sa 11 porsiyento ang underemployment rate mula 11.9 porsiyento noong August, katumbas ng 5.56 milyong manggagawang naghahanap pa ng dagdag na oras ng trabaho o pagkakakitaan.

Umabot din sa 53.19 milyon ang kabuuang labor force ng bansa, habang nanatili sa 64.5 porsiyento ang labor force participation rate kumpara noong September 2025. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles