Nakararanas na ng very strong El Niño ang tropical Pacific na inaasahang magtatagal hanggang unang kalahati ng 2027 at posibleng umabot sa pinakamalakas na antas bago matapos ang 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa abiso nitong Miyerkules, November 4, nagbabala ang Pagasa sa posibleng paglala ng tagtuyot at kakulangan sa ulan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Batay sa pinakahuling drought assessment, limang lalawigan ang nakaranas ng meteorological drought noong October, habang 11 ang nakapagtala ng dry spell at 10 ang nakaranas ng dry conditions.
Ngayong November, inaasahan ang mas mababa hanggang lubhang mababang dami ng ulan sa malaking bahagi ng bansa, na maaaring magdulot ng tagtuyot sa mas maraming lalawigan bago matapos ang buwan.
Mas mataas din sa karaniwan ang inaasahang temperatura sa halos buong Pilipinas.
Gayunman, nilinaw ng Pagasa na posible pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan dahil sa mga bagyo at iba pang weather systems kahit may El Niño.
Pinayuhan ang publiko at mga kinauukulang ahensya na magtipid sa tubig at magpatupad ng mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng tagtuyot, partikular sa pamamahala ng suplay ng tubig. /Bistado


