Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Beermen, palaban: “Kaya pa namin”

Hindi pa sumusuko ang San Miguel Beer at umaasang hindi maagang magtatapos ang kampanya nila sa 2026.

Sa kabila ng pagkakabaon sa 0-2 laban sa kapatid na koponang Barangay Ginebra sa best-of-five playoffs ng PBA Season 50 Governors’ Cup, umaasa ang beteranong center na si June Mar Fajardo na kaya pa nilang makabawi.

“Hindi pa naman tapos ‘yung series. Kailangan pa nila kaming talunin ng isa pa,” pahayag ng siyam na beses na Most Valuable Player, na nagtala ng 16 puntos at siyam na rebounds sa 126-99 pagkatalo sa Game 2.

Iyon ang pinakamabigat na pagkatalo ng Beermen mula nang talunin sila ng Gin Kings, 92-121, sa Game 5 ng best-of-seven semifinals noong Season 49 Governors’ Cup.

Nakuha rin ng Ginebra ang panalo sa Game 1 ng quarterfinals, 104-95.

Limang magkakasunod na beses nang pinatalsik ng Ginebra ang San Miguel sa kanilang playoff sa Governors’ Cup, kabilang ang 3-0 sweep noong Season 47, taong 2022-2023.

Upang maiwasan ng Beermen ang panibagong sweep, sinabi ni Fajardo na kailangan nilang pagbutihin ang kanilang depensa.

Pinayagan kasi nila ang Kings na magkaroon ng 55 porsiyentong shooting percentage mula sa field, kabilang ang 16-of-35 shooting mula sa three-point range o 45.7 porsyento.

“Kailangan namin mas maging organized sa depensa. Kasi andun naman ‘yung scoring namin. ‘Yun talaga sa depensa kasi ang dami nilang three points. ‘Yun ang kailangan naming i-address,” aniya.

Kung papaboran ng suwerte ang San Miguel, posibleng naglalaro pa rin si Fajardo sa semifinals sa pagdiriwang niya ng kanyang ika-37 kaarawan sa Nobyembre 17.

“Walang imposible. Kailangan maging positive lang. One game at a time,” ani Fajardo.

Ang San Miguel lamang ang koponan sa kasaysayan ng liga na nakabawi mula sa 0-3 pagkakaiwan upang tuluyang manalo sa isang serye. Nagawa nila ito noong 2016 Philippine Cup finals laban sa ngayo’y wala nang koponang Alaska.

Ang makasaysayang comeback ay nakilala bilang “Beer-acle.”

Nakatakda ang Game 3 ng 7:30 p.m. sa City of Dasmariñas Arena sa Cavite ngayong Martes.

Mauuna sa 5:15 p.m. ang sagupaan ng Converge at Rain or Shine na tabla sa 1-1.

Ang mananalo sa San Miguel-Ginebra series ay haharap sa best-of-seven semifinals kontra defending champion TNT.

Naghihintay naman ang NLEX sa magwawagi sa Converge-ROS.

Kapwa sweep ang panalo ng magkapatid na TNT (kontra Magnolia) at NLEX (kontra Phoenix Super LPG).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles