Pasok na sa Round 2 ng World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro ang mga Filipino wildcard na sina John Mark Tokong at Jayuard Alciso matapos talunin ang kanilang mga kilalang karibal sa Cloud 9 sa Siargao Island nitong Linggo.
Tinalo ni Tokong, na mas kilala sa lokal na surfing circuit bilang si Marama, ang Brazilian na world No. 11 na si Samuel Pupo, 16.60-11.00, sa kanilang opening-round heat.
Sa tulong ng suporta ng mga lokal na manonood, sinamantala ni Tokong ang kanyang pagiging pamilyar sa 6 hanggang 8 talampakang alon upang makakuha ng score na 8.60 at 8.00.
Samantala, nagulat naman ang marami nang talunin ng 21-anyos na si Alciso ang gold medalist sa 2024 Paris Olympics na si Kauli Vaast ng France, 12.93-12.17.
Si Alciso, na bronze medalist sa katatapos na Nagoya Asian Games, ay umiskor ng 7.33 sa kanyang ikapitong alon at 5.60 sa kanyang ikasiyam upang talunin si Vaast, na world No. 9.
“I’m so happy to win this heat. This is my first time competing here and beating an Olympic gold medalist is not easy. I’m really proud of myself,” ani Alciso.
“I was 100 percent focused because all my friends, my family and my girlfriend were there watching me. Their support helped me stay focused and I was able to come up with big scores.”
Tiyak na makakatanggap ng USD13,000 (humigit-kumulang PHP830,000) ang mga surfer na matatanggal sa opening round.
Samantala, iuuwi naman ng kampeon ang USD80,000 (humigit-kumulang PHP5.1 milyon).
Inamin ni Tokong na hindi madaling makipagkumpitensya sa harap ng mga Pilipino, ngunit sinikap niyang huwag masyadong isipin ang pressure.
“It was crazy and amazing. There was a lot of pressure, but I just told myself to relax, keep things simple and enjoy the waves,” ani Tokong.
Naririnig niya ang pagpalakpak at pagsigaw ng kanyang pamilya, mga kaibigan at tagasuporta mula sa dalampasigan tuwing umaahon siya mula sa isang alon, dahilan upang maging mas espesyal ang kanyang karanasan sa WSL.
“I’m not doing this just for myself, but also for my family, friends, fans and especially the Philippines. Representing my country is very important to me,” aniya.

Samantala, hindi malilimutan ng 15-anyos na si Mara Lopez ang kanyang WSL debut bilang isa sa mga Filipino wildcard.
Hindi man nakalusot sa unang round ang pambato ng La Union, naging makabuluhan pa rin ang kanyang laban dahil nakaharap niya ang world No. 1 na si Molly Picklum ng Australia.
Natalo si Lopez sa iskor na 11.50-4.50.
Naantig naman si Picklum nang malamang isa siya sa mga inspirasyon ni Lopez upang pasukin ang surfing.
“Maybe I’m one of her inspirations. And that stuff to me is just so special,” pahayag ni Picklum.
“I said to her, you’re surfing so well. And she’s also an A-one longboarder. She’s going to inspire the next generation, which is just so cool.”


