Posibleng umakyat hanggang 8.1 porsiyento ang inflation sa Pilipinas ngayong October dahil sa patuloy na pagmahal ng gasolina, kuryente at pamasahe, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa pagtataya nitong Biyernes, October 30, inaasahan ng BSP na papalo sa 7.1 hanggang 8.1 porsiyento ang inflation matapos itong sumirit sa 7.2 porsiyento noong September mula 6.1 porsiyento noong August.
Gayunman, maaaring maibsan ang pagtaas ng presyo dahil sa mas murang bigas, gulay, karne at isda bunsod ng sapat na suplay.
“These pressures could be partially offset by lower prices of key agricultural commodities, such as rice, vegetables, meat, and fish, owing to favorable supply conditions,” ayon sa BSP.
Patuloy ding binabantayan ng central bank ang epekto ng kaguluhan sa Middle East sa presyo ng mga bilihin at paglago ng ekonomiya.
“It will continue to assess the impact of the latest developments in the Middle East on the country’s inflation and economic outlook,” dagdag ng BSP.
Nakatakdang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang opisyal na October inflation data sa November 5. /Bistado


