Itinaas sa Alert Level 3 ang babala sa bulkan sa Albay matapos ang moderately explosive eruption nitong Biyernes, October 30, na nagbuga ng makapal na abo hanggang tatlong kilometro ang taas.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagsimula ang pagsabog bandang 11:53 a.m. at tumagal nang halos anim na minuto.
Tinangay ng hangin ang abo patungong kanluran-timog-kanluran, na maaaring magdulot ng ashfall sa Daraga, Camalig, Guinobatan at mga karatig-lugar.
Sa 12:30 p.m. bulletin, itinaas ng Phivolcs ang alert status mula Level 2 tungong Level 3 dahil sa panibagong yugto ng magmatic eruption.
“This means that Mayon is in a new phase of magmatic eruption, with increased chances of lava flows and hazardous PDCs or uson affecting the upper to middle slopes of the volcano in the immediate days to weeks,” ayon sa Phivolcs.
Dahil dito, inirekomenda ang paglikas ng mga residente sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ).
Nagbabala rin ang Phivolcs sa posibleng pagdaloy ng lava, pagbagsak ng mga bato, pyroclastic density currents o uson, at lahar lalo na kapag umulan nang malakas.
Pinayuhan din ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa bulkan dahil sa panganib ng volcanic ash.
Samantala, sinuspinde ni Albay Gov. Noel Rosal ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan habang binabantayan ang sitwasyon.
Wala pang agarang ulat ng nasawi o napinsalang ari-arian kasunod ng pagsabog.
Patuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Phivolcs dahil sa posibilidad ng karagdagang mapanganib na aktibidad sa mga susunod na araw hanggang linggo. /Bistado


