Unti-unti nang nabubuo ang plano ng Philippine Basketball Association (PBA) na magkaroon ng sariling arena sa pakikipagtulungan sa Philippine Sports Commission (PSC) at University of the Philippines (UP).
Inihayag ni PBA Commissioner Willie Marcial ang tungkol dito sa pambansang kongreso ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na ginanap sa Quezon City nitong Martes.
Nagkaroon na ng mga pagpupulong tungkol sa ambisyosong proyekto sa pangunguna ni Meralco governor Bill Pamintuan para sa PBA, PSC Chairperson Patrick Gregorio, at mga kumakatawan sa state university na sina Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, at UP Diliman Chancellor Edgardo Carlo Vistan II.
Kabilang din sa mga kinatawan ng PBA sina Magnolia governor Jason Webb at Phoenix governor Raymond Zorilla.
Matatagpuan ang planong itatayong arena sa isang lupain ng UP na may lawak na 3,000 hanggang 4,000 ektarya sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, malapit sa UP-Ayala Land TechnoHub.
Ayon kay Marcial, kayang tumanggap ng pasilidad ng 8,000 hanggang 10,000 katao.
“Naka ilang meeting na rin ‘yung committee. Si Secretary Remulla ang nagpi-preside (The committee had met several times, presided over by Secretary Remulla),” ani Marcial.
“Hinihintay na lang namin mag-pirmahan ng MOA bago ‘yung (We’re just waiting to sign the memorandum of agreement before the) groundbreaking.”
Magkakasalo ang PBA at UP sa paggamit ng arena. Gagamitin din ito ng unibersidad para sa mga aktibidad nito, gaya ng mga seremonya ng pagtatapos.
Sa kasalukuyan, idinaraos ang mga laro ng PBA sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, Mall of Asia Arena sa Pasay City, Philsports Arena sa Pasig City, Ninoy Aquino Stadium sa Maynila, at Ynares Center sa Antipolo at Montalban, Rizal.
Aminado si Marcial na posibleng hindi na siya ang commissioner kapag natapos ang konstruksyon ng arena, ngunit ikinatuwa niyang siya ang nagpasimula ng proyekto.
“Ako ok na sa (I’ll be ok with the) groundbreaking,” ani Marcial.


