Anim na pambansang asosasyon sa palakasan (NSAs o national sports associations) ang opisyal na itinaas sa pagiging regular na miyembro kasabay ng 4th Philippine Olympic Committee (POC) general assembly kamakailan.
Bilang mga regular na miyembro, magkakaroon na ang anim na NSA ng buong karapatang bumoto, mas malawak na integrasyon sa pambansang pondo, at direktang oportunidad na katawanin ang bansa sa mga pangunahing pandaigdigang kompetisyon.
Ang mga bagong ganap na miyembro ng POC ay ang mga sumusunod:
Floorball – Mabilis na team game na kahalintulad ng ice hockey. Nilalaro ito sa matigas na korteng may sukat na 40×20 meters at napalilibutan ng mabababang harang;
Sport Climbing – Paligsahan sa pag-akyat na pinagsasama ang speed climbing, bouldering at lead climbing. Nag-debut ito sa Tokyo 2020 Olympics, na idinaos noong 2021 dahil sa pandemya ng Covid-19, at nakatakdang manatiling pangunahing isport sa 2028 Los Angeles Summer Olympics;
Lacrosse – Mabilis na team game na may mataas na puntos at nilalaro gamit ang mga pamalong may lambat sa dulo. Makasaysayang magbabalik ito sa Olympic stage sa LA 2028 matapos ang mahigit isang siglo;
Mixed Martial Arts – Sikat na full-contact combat sport sa buong mundo na nag-debut sa Aichi-Nagoya Asian Games kamakailan. Isa rin itong pangunahing paligsahan para sa medalya sa Asian Indoor and Martial Arts Games, na nakatakdang idaos ngayong taon sa Riyadh, Saudi Arabia, mula Disyembre 13 hanggang 21;
Teqball – Akrobatikong kombinasyon ng soccer at table tennis na naging bahagi ng Asian Beach Games at iba pang pandaigdigang panrehiyong paligsahan;
Kabaddi – Makalumang contact sport na kilala sa pagbigkas ng raider ng mga salita habang pinipigilan ang paghinga. Nanatili itong isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng medalya sa Asian Games.
Ang pagtataas sa anim na NSA bilang mga regular na miyembro ay magpapalawak rin sa tsansa ng Team Philippines na mag-uwi ng mga medalya.
Sa katatapos na Asia-Pacific Sixes Lacrosse Championships sa Australia, nakakuha ng bronze medal ang men’s team habang nagtapos naman sa ikaapat na puwesto ang women’s team.
Pareho silang nakapasok sa 2027 World Lacrosse Sixes Championships sa Colorado, USA, na magsisilbing kwalipikasyon para sa LA 2028.
Bago nito, nakamit ng men’s team ang silver medal sa Asia-Pacific Lacrosse Union Field Championship sa New Zealand noong Enero, ang pinakamahusay nilang pagtatapos sa kasaysayan ng kompetisyon.
Samantala, nagtapos sa ika-10 puwesto ang women’s squad sa World Lacrosse Women’s Championship sa Tokyo noong Hulyo.
“It caps a landmark year for the program,” pahayag ni Philippines Lacrosse Association president Ron Garcia hinggil sa pagkakatanggap nila bilang ganap na miyembro ng POC.
“With lacrosse returning to the Olympic program at LA28, being part of these conversations matters more than ever. We’re proud to keep building the game here at home and growing the pathway for Filipino athletes on the world stage.”


