Suportado ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang panawagang repasuhin ang libel at cyberlibel laws sa bansa kasunod ng pag-aresto sa beteranong mamamahayag na si Philip Lustre Jr. dahil sa reklamong isinampa ng asawa ni Vice President Sara Duterte.
“Protect reputations, yes. Silence the press, no,” giit ni Ridon sa isang panayam.
“Journalists should not be afraid to ask tough questions,” dagdag niya.
Ayon sa House prosecutor, kailangang tiyaking napoprotektahan ng batas ang reputasyon ng mga indibidwal nang hindi ginagamit ang mga kasong kriminal para takutin ang mga mamamahayag.
Kasunod ito ng panawagan ni human rights lawyer Dino de Leon, abogado ni Lustre, na alisin ang kriminal na parusa sa libel at cyberlibel.
Inaresto ang 72-anyos na journalist noong October 24 sa Quezon City dahil sa cyberlibel complaint ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Duterte. Nakalaya siya matapos magpiyansa ng P48,000.
Sa press conference sa Dapo Restaurant, sinabi ni De Leon na hindi nakatanggap si Lustre ng reklamo o subpoena para masagot ang mga alegasyon bago umabot sa korte ang kaso.
Hiniling niyang imbestigahan ng Department of Justice (DOJ) ang pagproseso ng reklamo at kung nasunod ang due process.
Kinuwestiyon din niya ang pagiging patas ng Davao City prosecution office matapos makatanggap ng impormasyong pinsang buo umano ni Honeylet Avanceña, longtime partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, si City Prosecutor Jhopee Salvador Avanceña.
Hiniling ni De Leon na beripikahin ng DOJ ang naturang ugnayan at alamin kung dapat umiwas sa kaso ang prosecutor.
“People have the right to seek justice. But the public also has the right to know,” ani Ridon.
Binigyang-diin niyang hindi nangangahulugang malaya nang maglathala ng maling impormasyon ang mga mamamahayag kapag nirepaso ang batas.
“False statements must be dealt with. But asking legitimate questions should not be a crime,” giit niya.
Ayon kay Ridon, maging ang gastos sa abogado, biyahe at pagdalo sa mga pagdinig ay maaaring makapagpatahimik sa mga journalist kahit wala pang hatol.
“That burden can scare people into silence. Congress should take that seriously,” aniya.
Nauna na ring kinondena ni Ridon ang magkahiwalay na cyberlibel complaints laban kay Lustre at sa mga mamamahayag ng GMA Network na inireklamo naman ni Davao City Rep. Paolo Duterte.
“Reviewing the law is not about protecting anyone from accountability. It is about making sure the law is fair—and that the public is not left in the dark,” ani Ridon. /Bistado


