Panibagong dagdag-presyo sa diesel at kerosene ang sumalubong sa mga motorista ngayong Martes, October 27, habang bahagya namang bumaba ang presyo ng gasolina, ayon sa Department of Energy (DOE).
Batay sa opisyal na fuel price advisory ng DOE para sa October 27 hanggang November 2, tumaas ng P1.20 kada litro ang diesel at diesel plus, habang nagmahal naman ng P0.50 kada litro ang kerosene.
Samantala, bumaba ng P0.30 kada litro ang lahat ng pangunahing uri ng gasolina, kabilang ang RON 91, RON 95 at RON 97.
Noong nakaraang linggo, nagmahal din ng P2.60 kada litro ang diesel, habang bumaba ng P4.30 ang gasolina at P1 ang kerosene.
Dahil dito, umabot na sa P3.80 kada litro ang pinagsamang pagtaas sa diesel sa loob ng dalawang linggo.
Kabilang sa mga salik na nakaaapekto sa presyo ng petrolyo ang paggalaw ng pandaigdigang merkado ng langis at mga banta sa suplay dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa DOE, patuloy nitong binabantayan ang pandaigdigang presyo ng langis at mga posibleng epekto ng supply disruptions sa lokal na merkado. /Bistado


