All-out na daw ang atake ng pamilya Duterte sa media?
Yan ang tanong ni House Prosecutor Terry Ridon kasabay ng pagkundena sa magkahiwalay na kasong isinampa ni Davao City Rep. Paolo Duterte laban sa mga mamamahayag ng GMA Network at ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, laban sa beteranong journalist na si Philip Lustre Jr.
Sa House prosecution press conference nitong Lunes, October 26, inilarawan ni Ridon ang mga kaso bilang pag-atake ng pamilya Duterte sa press freedom.
“It is an attack by the Dutertes on press freedom,” giit ng Bicol Saro Party-list representative.
“We will not allow them to do it again, not under our watch,” dagdag niya.
Nauna nang nakuha ng abogado ni Lustre na si Atty. Dino de Leon ang impormasyon mula sa korte na nagtuturo kay Carpio bilang complainant sa cyberlibel case.
Inaresto si Lustre noong October 24 matapos dumalo sa isang news forum sa Quezon City, ngunit nakalaya rin nang gabing iyon matapos magpiyansa ng P48,000.
Samantala, naghain si Paolo Duterte ng cyberlibel complaint noong October 23 laban sa GMA executives at journalists, National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag at dating pulis Rodulfo Gracioso Jr.
Nag-ugat ang reklamo sa pag-uulat ng GMA tungkol sa mga alegasyon ni Gracioso hinggil sa umano’y paghahatid ng mga maletang puno ng pera sa pamilya Duterte. Itinanggi ni Paolo Duterte ang mga alegasyon.
Nangako si Ridon na tutulungan ang mga mamamahayag sa kanilang mga kasong kinakaharap at makikipag-ugnayan kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio at iba pang mambabatas para sa posibleng joint resolution tungkol sa pag-aresto kay Lustre.
“Sasamahan po namin sila sa bawat larangan ng laban po na ito,” ani Ridon.
Kinuwestiyon din niya ang umano’y magkaibang pagtrato ng Philippine National Police (PNP) kina Lustre at VP Duterte, na parehong naharap sa mga kasong maaaring piyansahan.
“I think the Philippine National Police should clarify today…what is the distinction that the Philippine National Police had implemented on both of these cases?” tanong niya.
Noong September 5, humarap si Duterte sa korte sa Quezon City at naglagak ng P360,000 piyansa para sa tatlong kasong grave threats, dahilan upang alisin ang arrest warrant laban sa kanya.
Sa kaso naman ni Lustre, kinuwestiyon ng kanyang abogado ang mga notice na umano’y ipinadala sa maling address, dahilan upang hindi niya masagot ang reklamo bago ito umabot sa korte.
Iniugnay rin ni Ridon ang mga bagong kaso sa mga naunang kontrobersya sa ABS-CBN at Rappler noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. /Bistado


