Nakalaya na ang beteranong mamamahayag na si Philip Lustre Jr. matapos magpiyansa ng P48,000 nitong Sabado, October 24, ilang oras matapos siyang arestuhin sa Quezon City dahil sa kasong cyberlibel na nagmula sa Davao City.
Inaresto ang 72-anyos na journalist ng Quezon City Police District (QCPD) matapos dumalo sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Scout Borromeo Street.
Nagmula ang arrest warrant sa Regional Trial Court Branch 10 sa Davao City.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Dino De Leon, hindi alam ni Lustre na may nakabinbing cyberlibel complaint laban sa kanya bago ang pag-aresto.
Sa Facebook post nitong Linggo, sinabi ni Lustre na walang nakasaad na pangalan ng complainant sa dokumentong natanggap niya at hindi rin siya dumaan sa preliminary investigation.
“I must confirm that the complaint I had received did not indicate any complainant. I was told that details were contained in the separate information sheet that was not included in any charge sheet. Neither did I see any information sheet. There was no preliminary investigation either,” ani Lustre.
Plano ng kanyang kampo na hilinging muling buksan ang preliminary investigation at kuwestiyunin ang bisa ng arrest warrant.
“Ilalaban ko ito. Hindi ko uurungan ito,” giit ni Lustre.
Kinondena naman ng National Press Club (NPC) ang pag-aresto at nagpahayag ng pangamba sa posibleng paglabag sa due process at epekto nito sa press freedom.
Nanawagan si NPC President Mina Navarro sa mga awtoridad na ipaliwanag ang mga pangyayari at tiyaking iginagalang ang constitutional rights ng mamamahayag.
Nagbabala rin ang NPC sa posibleng chilling effect ng paggamit ng cyberlibel cases laban sa mga journalist.
“Hanggang may mga lumalaban para sa tama, hinding-hindi mananaig ang mga taong gustong patahimikin tayo, lalong-lalo na ang mga kapatid natin sa media,” ani De Leon.
Si Lustre, na kilalang kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang may-akda ng librong Kill, Kill, Kill tungkol sa extrajudicial killings noong kampanya kontra droga ng dating administrasyon.
Nananatiling nakabinbin ang cyberlibel case sa kabila ng kanyang pansamantalang paglaya. /Bistado


