Hinihiling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Supreme Court (SC) na hayaang itama ng Kongreso at ehekutibo ang mga problema sa national budget sa ilalim ng kanilang kapangyarihang nakasaad sa Konstitusyon.
Ayon kay Solicitor General Darlene Marie Berberabe nitong Huwebes, October 22, hihilingin ng OSG na repasuhin ang ilang bahagi ng desisyon ng SC sa unprogrammed appropriations sa 2024, 2025 at 2026 national budgets.
“Ang amin lamang pong gustong idiin at hilingin na repasuhin nila baka po may mga guardrails na dapat ay ipaubaya na lamang doon sa dalawang branches, which are the political branches,” ani Berberabe.
Nauna nang idineklarang unconstitutional ng SC ang ilang unprogrammed funds sa 2024 at 2025 budgets at pinawalang-bisa ang ilang probisyon sa 2026 General Appropriations Act.
Nagtakda rin ang Korte ng mga kondisyon sa pagpapalabas ng standby funds, kabilang ang pagkuwenta ng excess revenue collections batay sa kabuuang revenue targets.
Gayunman, kinikilala ng OSG ang pasya ng SC na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations.
Giit ni Berberabe, nakagawa na ng mga pagbabago ang Kongreso at ehekutibo, kabilang ang pagrebisa sa lump-sum appropriations at pagtanggal ng ilang kuwestiyonadong probisyon.
“Kaya po iyon iyong sinasabi namin na tutal sa kanila ibinigay ng Konstitusyon iyong kapangyarihan, hayaan mo silang mag-self-correct,” aniya.
Sinusuri rin ng OSG ang posibleng “judicial overreach” sa desisyon habang pinag-aaralan ang magkakahiwalay na opinyon ng mga mahistrado.
Para sa 2027 budget, sinabi ni Berberabe na malaking ibinaba ang unprogrammed appropriations sa panukala ng ehekutibo. /Bistado


