Mainit ngang usap-usapan sa ngayon ang biglaang desisyon ng parehong ABS-CBN at GMA 7 na kanselahin ang “live streaming” ng ongoing PBB Collab 3.0 edition nila sanhi ng naging panawagan ng maraming netizen, mga bashers at mga nanonood ng reality show na mas maging ‘sensitive’ sa mga tasks and topics na ipinagagawa sa mga housemates.
Ayon sa inilabas nilang statement, nag-decide silang ihinto ang live streaming ng reality show simula noong Nov. 21 dahil umano sa mga hindi mapigilang “online harassment, cyberbullying, at mga maliciously edited clips targeting housemates and their families.”
Nag-ugat ang lahat sa isang task na ipinagawa kay guest housemate Robbie Jaworski (na lumabas na din last Nov. 21) tungkol sa isang TV role na ginampanan noon ni Gerald Anderson bilang isang may ‘Angelman syndrome’, (a genetic condition causing developmental delays, speech challenges, and movement difficulties).
Ang naturang pag-act out ni Robbie ay tila naging sentro ng katatawanan ng mga housemates na sina Mikee Quintos, Cianne Dominguez, at Raheel Bhyria dahil hindi lang nila pinagtawanan ang portrayal ni Robbie bagkus ay ginaya pa nila ito na parang nangangantiyaw pa.
Dahil dito, mabilis na kumalat ang naturang video at pinik-up ng maraming socmed sites hanggang sa mag-react ang NCDA o ang National Council on Disability Affairs (NCDA) na pormal na dumulog sa MTRCB o Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at sa PBB management “to demand stronger disability-sensitive editorial standards.”
Naging dahilan din ito upang muling kalkalin ng netizen at mga bashers ang ilan pang previous episodes na naglalaman umano ng “bullying at paggamit ng foul language” ng iba pang housemates.
Agad namang humingi ng public apology sina Mikee, Ceann at Raheel, bago pa man tuluyang pina-cancel ang live streaming, subalit mas higit na lumakas ang clamor ng publiko na panagutin ang mga nagpapatakbo ng programa.
As of this writing, nasa tanggapan na ng MTRCB ang sinasabing mahigit ng dalawang libong mga complains ng mga tao hinggil sa ongoing PBB edition.
Hindi pa rin ibinabalik ang “live streaming” ng PBB Collab 3.0 at may mga supporters namang naghahanap na din dito.


