Agad namang tumalima si BINI Mikha Lim sa naging utos ng LTO na isuko nito ang kanyang driver’s license, matapos nga siyang mapanatunayang nakagawa ng driving violation. Bunsod ito sa mga ulat na natanggap ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Kasama ang kanyang manager ay tumungo sila sa LTO office para isurrender ang lisensya at patawan ito ng 90-day suspension na paggamit nito habang may ongoing investigation na isinasagawa.
Sa kumalat na reel ng BINI member habang nagmamaneho ito ng kanyang sasakyan, makikitang gumagamit ito ng cellphone habang kumakanta sa kanyang live stream.
Sa naturang video din ay makikita si Mikha na ipinatong pa ang naturang phone sa isang parte ng manibela dahil kinukunan nga nito ang sarili hanggang sa mahulog ito.
At imbes daw na huminto muna ito at tumabi sa mas ligtas na lugar ang sasakyan, makikitang yumuko ito para kunin ang cellphone habang umaandar ang sasakyan.
Dahil dito, naglabas ang LTO ng Show Cause Order na nag-aatas kay Mikha na ipaliwanag ang kanyang ginawa na maaaring lumabag sa Anti-Distracted Driving Act, reckless driving at pagiging isang improper person to operate a motor vehicle.
Pahayag ni Lacanilao, “nakita nila ‘yung pagkakamali so boluntaryo sila na nagpunta dito sa LTO para makipag-usap. At naisilbi na rin namin ‘yung show cause order nila at ipinaliwanag sa kanya ‘yung kanyang violation at sinurender din niya ‘yung kanyang driver’s license. She was very apologetic. She acknowledged her mistake, recognizing that driving while recording a video was wrong and that she knew it was strictly prohibited.”.
Kabilang sa mga posibleng parusa sa ilalim ng Anti-Distracted Driving Act ang multang P5,000 para sa unang paglabag. Maaari din itong umabot sa P20,000 na multa at pagbawi ng driver’s license sa ikaapat na paglabag.
Hindi na nagbigay pa ng kaukulang pahayag si Mikha hinggil sa nagawa niyang pagkakamali.


