Sandaling nakapanayam ng BISTADO ang magandang batang aktres na si Maris Racal during the 42nd PMPC Star Awards night.
Bago pa man nanalo ng Best Actress si Maris para sa pelikulang ‘SUNSHINE’ noong gabing yun, naitanong na ng BISTADO sa kanya kung umaasa ba ito sa possible grandslam if ever.
Malakas kasi ang ugong-ugong na iuuwi niya that night ang Best Actress trophy kaya’t mas lalong lumalakas ang chance niyang magka-grandslam lalo’t nominated din siya sa iba pang award-giving bodies na nakatakdang mamigay ng kanilang award this year.
Sa SUNSHINE ay nanalo na si Maris bilang Best actress mula 6th Pinoy Rebyu Awards (Society of Filipino Film Reviewers), sa 9th EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) at sa katatapos lang din na URIAN kung saan naka-tie pa niya ang batikang si Odette Khan.
Nanalo din siya at naka-tie naman niya bilang Best Actress si Charo Santos sa Gawad PASADO noong Oct. 22.
Muli nga itong naulit dahil sa STAR Awards noong gabing yun ay naka-tie naman niya si Diamond Star Maricel Soriano.
“O di ba, ikaw na ang bagong ‘Best Actress tie-queen?’, sambit ng BISTADO kay Maris.
“Hindi ko po alam ang feeling.Basta grateful and thankful ako na nirerecognize ng mga award-giving bodies ang pinaghirapan namin. Nakaka-proud,” saad nito.
At sa possibility nga na maka-iskor siya ng grandslam Best Actress lalo’t paparating ang FAMAS awards, sagot nito sa BISTADO, “we will cross the bridge pag nandun na. Ayoko pong umasa pero ang sarap po marahil ng feeling kapag nandun na, pag ganun,” sey ng maganda at mahusay na aktres.
Higit pang na-inspire si Maris nang masaksihan niya ang pag-gawad ng Hall of Fame kay Vilma Santos ng Star Awards dahil sa sampung Best Actress na nakuha nito mula sa grupo ng mga manunulat at showbiz media practitioners.
“Grabeh… iyan ang ultimate talaga. Ang saya-saya, ang sarap-sarap. Big dream, dream big na lang muna ako, ” hirit nito habang pinapanood ang pagpaparangal sa Star for All Seasons.
Nang sabihin sa kanya ng BISTADO na posibleng magkasama sila ni Vilma sa isang project, grabeng nagningning ang mga mata nito at sinabi pang ayaw niyang maniwala hangga’t wala pa pero sey nito, “susme, sino ba ako para humindi, tumanggi o umayaw. Dream big po uli ako diyan.”
Nag-cross fingers pa ito habang nakikipag-piktyuran kay National Artist Ricky Lee na nagkumpirma pang mayroon siyang “special script” na matagal na niyang sinulat para kay Vilma Santos.


