Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

2 bronze, ambag ng PH athletics sa Asian Para Games.

Nakasungkit si King James Reyes ng bronze medal sa men’s 1,500-meter T46 nitong Biyernes, na nagbigay sa Pilipinas ng unang medalya sa athletics sa 5th Asian Para Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Nagtala si Reyes, 24, ng personal-best na apat na minuto at 13.81 segundo sa Mizuho Park Athletic Stadium.

Wagi si Wahumpurage Puwakpitikande ng Sri Lanka sa oras na 4:03.25, habang silver medal naman ang na-uwi ni Parmod ng India sa 4:09.65.

“Personal best ko po,” ani Reyes, na nasa huling taon ng kursong Sports Science sa Adamson University. 

“Alam ko na po sa sarili ko na kayang-kaya ko pong mag-podium. Pinaghandaan po kasi namin, kasama ’yung mga sakripisyo namin.”

Tubong Loreto, Agusan del Sur si Reyes, na nawalan ng kanang braso matapos mahulog mula sa puno ng macopa noong limang taong gulang pa lamang siya.

Nag-uwi rin ng bronze medal si Ma. Ravinia Carpena sa women’s shot put F20 matapos maitala ang personal-best na 11.39 metro.

Napunta kay Reina Hori ng Japan ang gold medal sa layong 13.57 metro, habang silver medal naman ang naiuwi ng kinatawan ng Malaysia sa 11.46 metro.

Samantala, hindi nakapasok sa podium sina Evaristo Carbonel at Edwin Enguito Jr.

Nagtala si Carbonel ng personal-best na 27.18 metro sa men’s discus throw F11, ngunit nagtapos lamang sa ikalimang puwesto sa limang kalahok.

Pang-apat naman si Enguito sa men’s high jump T63 matapos malampasan ang taas na 1.63 metro.

Sa wheelchair fencing na ginanap sa Nagoya City Inae Sports Center, umabot sina Wilfredo Bugayong II at Violeta Sapalit sa round of 16 ng saber event, ngunit kapwa nabigo na makausad sa susunod na round.

Tinalo ni Bugayong si Lee Sheung Ho ng Hong Kong, 15-5, bago natalo kay Cheng Yang ng China, 6-15.

Napatigil din ang kampanya ni Sapalit sa round of 16 matapos siyang talunin ni Kim Yeji ng South Korea, 15-6.

Hindi na maaabutan ang nangunguna sa medal tally na China, taglay ang 204 gold, 115 silver at 108 bronze. 

Pumapangalawa naman ang host na Japan na may 63 gold, 60 silver at 62 bronze.

Ang Thailand, na nasa ikapitong puwesto taglay ang 18 gold, 39 silver at 63 bronze, at Indonesia, na nasa ikawalo sa 14 gold, 20 silver at 37 bronze, ang nangungunang mga bansa sa Southeast Asia .

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles