May isang super highway sa Timog Katagalugan ang halos tapos na. Kumbaga, isang hinga nalang magkakadugtong na ang dalawang bahagi ng expressway na matagal nang hinihintay ng libu-libong motorista.
Pero ba’t kaya bitin na naman ang publikong matagal nang naghihintay sa pagbubukas ng expressway na ito? Ang isyu ba ay ang kabagalan ng contractor ng kalye, kaya’t ilang taon na ang lumipas ay hindi pa nila matapus-tapos ang kabuuan ng daan? O may iba pa kayang dahilan?
Ayon sa mga kabisto, may grupo umanong humaharang para mabilis na matapos ang naturang expressway. Tulad ng maraming proyekto sa bansa, isyung Right-of-Way na naman ang pinagtatalunan. Dati nang may nakahaing solusyon, ngunit sa halip na umusad, ilang pulitiko daw ang humihirit ng panibagong negosasyon para sa mga bago na namang pag-aaral at dagdag na istruktura.
Habang tumatagal ang usapan, tengga ang expressway na magdu-dugtong sana sa dalawang malaking lalawigan.
Kaya ang tanong ng mga kabisto: ba’t kaya napipigilan ng iilang kabahayan, at mga pulitikong nagsasalita para sa kanila, ang libu-libong motoristang umaasa sa tuluyang pagbubukas ng expressway?
May nagsasabing simpleng usapin lang ito ng access. Meron ding nagbubulong na pag papalapit ang halalan, pati kalsada ay nagiging political currency.
May mga malisyoso ding nag-iisip na baka naman naghihintay lang ng padulas ang mga pulitiko.
Clue? Ang expressway na ito’y matatagpuan sa dalawang magkatabing lalawigan sa South na kilala sa malalakas na political clans. At kapag usapang kalsada, minsan hindi lang semento ang nakataya.
Yun na. Bistado!


