Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Napoles guilty sa P50-M ‘ghost projects’; ex-DAR exec hinatulan din

Guilty sina Janet Lim Napoles at dating Department of Agrarian Reform (DAR) Undersecretary Jerry Pacturan sa 10 bilang ng malversation of public funds through falsification of public documents kaugnay ng mahigit P50 milyong halaga ng umano’y ghost projects para sa mga magsasaka sa Luzon.

Sa desisyon ng Sandiganbayan Sixth Division, napatunayang sangkot ang dalawa sa paggamit ng pondo para sa mga proyektong hindi naman umano naipatupad.

Bukod dito, nahatulan din si Napoles ng 10 bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Napawalang-sala naman si Pacturan sa mga kasong graft dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Nasentensyahan si Napoles ng hanggang 20 taong pagkakakulong sa bawat bilang ng malversation at hanggang 15 taon sa bawat bilang ng graft.

Si Pacturan naman ay hinatulan ng hanggang 19 taon, isang buwan, at 11 araw na pagkakakulong sa bawat bilang ng malversation.

Ayon sa prosekusyon, lumagda si Pacturan noong 2011 sa mga memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng 10 local government units (LGUs) at 10 non-government organizations (NGOs) na umano’y konektado kay Napoles.

Batay sa mga dokumento, nakatakdang tumanggap ng tig-P5 milyon ang bawat LGU para sa farm inputs, pero lumabas sa paglilitis na hindi umano naipatupad ang mga proyekto.

Nagpatotoo rin ang walo sa 10 alkalde mula sa Bulacan, Batangas, Pangasinan, at Quezon na peke umano ang kanilang mga lagda sa mga liham na humihiling ng pondo.

Nilinaw ng prosekusyon na ang mga kasong ito ay hindi konektado sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), kundi sa regular na pondo ng DAR. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles