Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Unang bugso ng P85 NCR wage hike, epektibo na ngayong araw

Epektibo na ngayong Sabado ang unang bugso ng P85 umento sa minimum wage sa National Capital Region (NCR), kaya madaragdagan muna ng P60 ang arawang sahod ng mga manggagawa.

Sa ilalim ng Wage Order NCR-27, umakyat mula P695 patungong P755 kada araw ang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor na hindi kabilang sa agrikultura.

Mula P658, naging P718 naman ang arawang minimum wage sa sektor ng agrikultura, mga service at retail establishment na may 15 o mas kaunting empleyado, at manufacturing firm na may mas mababa sa 10 regular na manggagawa.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, layunin ng umento na palakasin ang kakayahang bumili ng mga manggagawa sa gitna ng inflation at tumataas na singil sa kuryente. Alinsunod din umano ito sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. na mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga manggagawa.

Ito ang pinakamalaking minimum wage increase na naaprubahan sa Metro Manila at inaasahang pakikinabangan ng mahigit 1.1 milyong minimum-wage workers sa rehiyon.

Pinaalalahanan ni Tolentino ang mga employer na ipatupad ang bagong sahod dahil may kaukulang parusa sa ilalim ng batas ang hindi susunod.

Hinikayat din niyang ayusin sa pamamagitan ng collective bargaining agreements ng mga manggagawa at management ang wage distortion—o ang pagsisikip ng agwat ng sahod ng mga tumatanggap ng minimum wage at ng mga empleyadong dati nang kumikita nang mas mataas dito.

Nauna nang inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring makatanggap ng tulong pinansyal ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maaapektuhan ng wage hike. Maaari ring maghain ng aplikasyon para sa exemption ang mga kuwalipikadong negosyo sa loob ng itinakdang 75 araw.

Sa Jan. 20, 2027 pa ipatutupad ang ikalawang bugso na P25.

Kapag ganap nang naipatupad ang P85 wage hike, magiging P780 kada araw ang minimum wage sa non-agriculture sector. Aabot naman sa P743 ang sahod sa agrikultura, service at retail establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at manufacturing firms na may mas mababa sa 10 regular na manggagawa. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles