Arestado ang lima pang hinihinalang miyembro ng Philippine-based Japanese crime ring na “JP Dragon” matapos silang i-transfer mula Pilipinas patungong Japan.
Isinagawa ang pag-aresto ng Fukuoka prefectural police nitong Martes kaugnay ng mga kasong panloloko at pagnanakaw.
Kabilang sa mga suspek si Miyako Iwamoto, 34. Ayon sa imbestigasyon, nauna silang naaresto ng Philippine immigration authorities noong Oktubre 2025 bago dinala sa Japan.
Batay sa mga imbestigador, nagpanggap umano ang grupo bilang mga pulis noong Disyembre 2022 at tumawag sa isang matandang babae sa Gifu, central Japan. Nakuha nila ang 1.4 milyong yen at ninakaw ang cash card ng biktima.
Sa pinakahuling operasyon, umabot na sa 14 ang kabuuang bilang ng mga naarestong miyembro at kaugnay ng grupo.
Hinala ng mga awtoridad, nakapambiktima ang JP Dragon ng humigit-kumulang 250 katao sa halos 20 prefectures sa Japan mula pa noong taglagas ng 2019, na nagresulta sa tinatayang 900 milyong yen na iligal na kita.
Sa kaugnay na operasyon, naaresto sa Pilipinas noong Hunyo 2025 ang umano’y lider ng grupo na si Ryuji Yoshioka, 55.
Ayon sa Fukuoka police, may arrest warrant na laban kay Yoshioka para sa kasong theft at isinusulong ang kanyang extradition pabalik sa Japan. /Bistado


