Kahit malakas na ulan, hindi napigil ang kickoff ng world tour ng Korean supergroup na BTS.
Binuksan ng BTS ang kanilang “Arirang” world tour sa Goyang Stadium sa South Korea sa gitna ng malakas na ulan, pero hindi ito naging hadlang para sa halos 40,000 fans na dumalo sa unang gabi ng concert.
Todo-perform ang grupo kahit basang-basa ang stage at mga miyembro. Inilarawan pa ni Suga ang venue bilang isang “water park” habang si V ay naglaro sa tubig sa entablado.
“It’s raining like crazy,” sabi ni V habang nagtatampisaw sa stage. Aminado rin si Jimin na nahirapan siya sa kondisyon. “I’m soaked down to my underwear, but the most important thing was getting to see you all.”
Sa kabila ng ulan, ibinuhos ng BTS ang lakas sa 23-song setlist na tampok ang mga bagong kanta mula sa album na “Arirang,” pati mga hit tulad ng “Mic Drop,” “Fire,” at “Not Today.”
Kapansin-pansin din ang mas agresibong tunog ng kanilang set, na mas naka-focus sa rap at high-energy performances kumpara sa dati nilang pop-heavy shows.
Hindi rin nagpahuli ang fans na kilala bilang ARMY. Ayon sa mga ulat, may mga pumila na simula pa alas-6:30 ng umaga para masigurong maganda ang pwesto. Kahit nagsimula na ang malakas na ulan, hindi nagpatinag ang fans at nanatili hanggang matapos ang concert.
Samantala, umabot sa higit 4 milyon ang nanood ng livestream ng opening night, na tinatayang kumita ng humigit-kumulang $168 milyon.
Ang concert ang unang full-scale performance ng BTS matapos ang apat na taong pahinga habang tinutupad ng mga miyembro ang mandatory military service sa South Korea.
Sa kabila ng injury, nakapag-perform si RM matapos ma-sprain ang kanyang ankle sa rehearsals. “It’s been three weeks so the doctor said I can perform,” aniya, kahit na may mga bahagi ng show na kinailangan siyang buhatin.
“More than anything, having all seven of us together is what matters most,” dagdag ni RM.
Ang “Arirang” tour ay inaasahang isa sa pinakamalaking concert tours sa kasaysayan ng K-pop, na may 85 shows sa 34 lungsod sa buong mundo.
Matapos ang Goyang shows, tutuloy ang BTS sa iba’t ibang bahagi ng Asia, Amerika, at Europa, kabilang ang mga konsiyerto sa London at United States. Magkakaroon din ng show sa Pilipinas sa March 2027. /Bistado


