Walang Pilipinong nasaktan sa gitna ng matinding airstrikes sa Beirut, Lebanon na ikinamatay ng humigit-kumulang 300 katao, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes ng gabi.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Lebanese Ministry of Health na binanggit ng DFA, umabot na sa 1,200 ang nasugatan sa pag-atake, dahilan para mapuno ang mga ospital at mag-operate sa maximum capacity.
Nilinaw din ng DFA na wala ring naitalang foreign nationals sa mga nasawi at nasugatan.
Ayon sa ahensya, patuloy ang pagbabantay ng Philippine Embassy sa Lebanon sa kalagayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Filipino community leaders at area coordinators.
“The Embassy has activated its community monitoring mechanisms through Filipino community leaders and Area Coordinators, who have reported that their respective areas remain safe at this time,” ayon sa DFA.
Dagdag pa nito, bagamat nababahala ang maraming Pilipino sa sitwasyon, wala pang naitatalang nasaktan sa hanay nila.
“While many Filipinos are understandably shaken by the developments, no Filipino casualties or injuries have been reported so far. The Embassy continues to request regular updates from community representatives,” ayon sa DFA.
Kasabay nito, naglabas ang Philippine Embassy ng “high alert” security advisory kasunod ng anunsyo ng pinaigting na military operations ng Israel sa loob ng susunod na 48 oras.
Pinayuhan ang mga Pilipino na manatili sa kanilang kinaroroonan kasama ang kanilang employer at iwasan ang hindi kinakailangang paglabas. Inirekomenda rin ang paglilimita ng galaw at pag-iwas sa matataong lugar, pati ang pagsubaybay sa opisyal na advisories ng embahada.
Pinapaalalahanan din ang mga Pilipino na panatilihing naka-charge ang kanilang mga mobile phone at maghanda ng hindi bababa sa tatlong araw na suplay ng pagkain, tubig, damit at gamot.
Dapat ding tiyakin na madaling ma-access ang kanilang pasaporte at iba pang mahahalagang dokumento.
Mahigpit ding hinihikayat ang lahat ng Pilipino na samantalahin ang voluntary repatriation program na pinopondohan ng gobyerno habang ito ay nananatiling bukas.
Mula noong Pebrero 28, nakapagpauwi na ang embahada ng 56 Pilipino sa ilalim ng Crisis Alert Level 3, na nananatiling pinakamataas na alert level na ipinatutupad sa Lebanon at iba pang piling lugar sa Middle East.
Ayon sa DFA, nananatiling hamon ang limitadong flight availability at mataas na presyo ng pamasahe para sa mga nais umalis ng Lebanon, ngunit tuloy-tuloy ang government-funded repatriation para sa mga Pilipinong nais makauwi. /Bistado


