May isang palaro sa lungsod sa North na biglang naging political rally, hindi dahil sa campaign speech, kundi dahil sa sigaw ng mga manonood.
“TUBIG! TUBIG!”
Ayon sa mga kabisto, iyan daw ang paulit-ulit na sigaw ng crowd habang nasa kasagsagan ang laro. Matagal na raw kasing perwisyo ang kakulangan at pagkawala ng suplay mula sa isang private water provider na, ironically, may “water” mismo sa pangalan.
Pero imbes na sagutin ang hinaing, tila napuno ang timba ng pasensya ng isang makapangyarihang mayor.
Pagsapit daw ng halftime, kinuha ni mayor ang mikropono at bumuhos ang sermon.
“LAHAT NG KAILANGAN NIYO BINIBIGAY KO!”
“IRESPETO NIYO ANG PUNONG BAYAN NIYO!”
“HINDI PINAGTATAWANAN ANG MAYOR, HINDI PINAGTATAWANAN ANG ISANG KONGRESISTA!”
Tubig ang hinihingi, pero sumbat daw ang naipainom sa bayan.
Ayon sa mga kabisto, nagulat ang ilan sa tono ni mayor. Para bang personal na regalo ang mga serbisyong pinopondohan naman ng buwis ng publiko. Wala namang pumilit kay mayor na tumakbo, pero bakit tila kailangang tanawin na utang na loob ang bawat proyekto?
May bulung-bulungan pang pinatatanggal daw ang mga kumakalat na kopya ng video, bagama’t wala pang malinaw na patunay kung sino ang nasa likod nito. Ang problema, kapag viral na ang eksena, mahirap nang pigilan ang pagdaloy.
Clue? Isang lungsod sa North na matagal nang hawak ng mag-asawang political tandem. Ang bayan, uhaw sa tubig. Ang lider, tila uhaw sa respeto.
Yun na. Bistado!


