Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong araw, August 24, ang Typhoon Saudel at maaari pang lumakas bilang super typhoon habang nasa loob ng bansa, ayon sa Pagasa.
Sa 5 a.m. briefing, sinabi ni Pagasa weather specialist Aldczar Aurelio na maaaring makapasok ang Saudel sa umaga o hapon at bibigyan ng local name na Obet. Ito ang magiging ika-15 tropical cyclone ng bansa ngayong taon.
“Typhoon Saudel is expected to enter PAR this morning or afternoon,” ani Aurelio.
“Based on our forecast track, it is expected to develop into a super typhoon while it is inside PAR,” dagdag niya.
Dakong 3 a.m., namataan ang Saudel sa layong 1,600 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 175 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 215 kilometro bawat oras. Inaasahang lalabas ito ng PAR sa Martes, August 25.
Samantala, patuloy na maaapektuhan ng southwest monsoon o habagat ang Northern at Central Luzon. Pinalalakas ito ng Tropical Depression Gaenari, na dating may local name na Neneng.
“The southwest monsoon is currently affecting northern and central Luzon. The effects of the southwest monsoon mostly in Luzon are expected to persist in the next four days,” ani Aurelio.
Huling namataan ang Gaenari sa layong 520 kilometro hilaga-hilagang-kanluran ng Itbayat at kumikilos patungong China.
Sa 5 a.m. Weather Advisory No. 6, sinabi ng Pagasa na maaaring makaranas ang Batanes ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan ngayong Lunes.
Maaaring mas mataas pa ang rainfall sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Posible ring lumala ang epekto dahil sa significant antecedent rainfall o mga naunang pag-ulang nagpabasa at nagpalambot na sa lupa.
Maaari itong magdulot ng localized flooding at mga landslide sa mga high-risk area.
Makakaranas din ng thunderstorms sa susunod na 24 oras ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, Cavite, Batangas at Rizal dahil sa habagat.
Nagbabala ang Pagasa sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa panahon ng paminsan-minsang malakas na ulan.
Binabantayan din ang isa pang tropical depression sa layong 1,330 kilometro silangan ng Southeastern Luzon.
Taglay nito ang maximum sustained winds na 55 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 70 kilometro bawat oras. Mababa ang posibilidad na pumasok ito sa PAR dahil inaasahang kikilos pahilagang-kanluran patungo sa Saudel.
Pinayuhan ang mga disaster risk reduction and management office na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian. /Bistado


