Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Produktong Davao, rumatsada sa Saudi market matapos ang Dubai trade exhibit

Umabot na sa Saudi Arabia ang mga saging na Cardava, kamote at singkamas mula Davao matapos mauwi sa aktuwal na bentahan ang negosasyong nagsimula sa isang trade exhibition sa Dubai.

Pinangunahan ng Department of Agriculture–Regional Field Office XI ang pagpapadala sa Jeddah ng 17.2 metriko tonelada ng mga produktong nagkakahalaga ng P800,000, na nakikita bilang bagong tagumpay para sa agribusiness sector ng Davao Region at sa pagsusulong ng bansa na palawakin ang agricultural exports.

Kasama sa kargamento ang 1,350 kahon ng Cardava bananas na tig-12 kilo, 50 kahon ng kamote at 50 kahon ng singkamas na tig-10 kilo.

Iniluwas ng Gerb Golden Hands Corp. ng Sto. Tomas, Davao del Norte ang mga produkto para sa Rana Mohammad Saleem Commercial LLC sa Jeddah.

Nagsimula ang oportunidad sa AGRA Middle East Exhibition 2024 sa Dubai World Trade Centre, kung saan itinampok ng DA Regional Field Office XI at Gerb Golden Hands ang mga produktong agrikultural ng Davao sa mga international buyer.

“Ang shipment na ito ay patunay na ang ating partisipasyon sa international trade exhibition ay hindi lang para sa promosyon. Nagbubunga ito ng tunay na mga oportunidad sa merkado para sa ating mga magsasaka at exporters. Bawat matagumpay na shipment ay nagpapalakas sa reputasyon ng Davao bilang maaasahang pinagkukunan ng de kalidad na produktong agrikultural at bukas ang pintuan para sa mas napapanatiling oportunidad sa export,” ani Regional Executive Director Macario D. Gonzaga.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., mahalaga ang pagpapalawak ng mga pamilihan sa ibang bansa upang mapalakas ang agrikultura at mabawasan ang agricultural trade deficit ng Pilipinas, na lumampas sa $11 bilyon kada taon nitong mga nakalipas na taon.

“Bawat bagong export market na ating nabuksan ay nagbibigay ng mga oportunidad para sa ating mga Pilipinong magsasaka na kumita ng higit pa mula sa kanilang pananim sa halip na halip na hayaang makinabang ang producers sa ibang bansa. Ang pagpapalawak sa agricultural exports ay nakakatulong na mapaliit ang ating trade deficit, at mahikayat ang pamumhunan sa modernong pagsasaka at logistics, lilikha ng mga trabaho sa kanayunan at magtatatag ng mas makumpetensiyang sector ng agrikultura na magsusulong ng pangmatagalang paglago ng ekonomiya,” ani Tiu Laurel.

Bagama’t maliit pa ang kargamento, ipinakikita nito ang potensiyal na mapalawak ang produktong iniluluwas ng bansa at makapasok ang mas maraming magsasaka at negosyante sa mga bagong merkado. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles