Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DOLE: Work permit kailangan bago isabak sa showbiz, online content ang batang wala pang 15

Kailangan munang kumuha ng work permit sa Department of Labor and Employment (DOLE) bago isabak sa public entertainment o information ang mga batang wala pang 15 taong gulang, kabilang ang paglabas sa telebisyon, teatro, advertisements, social media at iba pang online platform.

Ito ang paalala ng DOLE sa mga employer, advertiser, content creator, magulang at legal guardian sa ilalim ng Labor Advisory No. 12, Series of 2026 na nilagdaan ni Labor Secretary Francis N. Tolentino noong July 31.

Nilinaw ng advisory na saklaw ng Republic Act No. 9231, na nagpoprotekta sa mga batang nagtatrabaho, hindi lamang ang tradisyunal na media kundi maging ang mga digital platform kung saan lumilikha o lumalabas sa content ang mga bata.

Sa ilalim ng batas, karaniwang ipinagbabawal ang pagtatrabaho ng mga batang wala pang 15. Pinapayagan lamang ito kung direktang nasa responsibilidad ng magulang o legal guardian ang bata at mga miyembro lamang ng pamilya ang nagtatrabaho, o kung mahalaga ang partisipasyon ng bata sa public entertainment o information.

Sa dalawang sitwasyon, kailangang makakuha muna ng work permit mula sa DOLE bago makapagtrabaho ang bata.

Saklaw ng “public entertainment or information” ang mga artistiko, pampanitikan at pangkulturang pagtatanghal o produksiyong inilalabas sa telebisyon, radyo, pelikula, teatro, print at internet.

Kasama rin dito ang streaming platforms, social media, vlogs, digital advertisements, web series, podcasts, educational content at iba pang umuusbong na anyo ng media.

Maaaring kailanganin din ng working child permit ang batang lumalahok sa paggawa ng content para i-post online kung saklaw siya o ang aktibidad ng umiiral na mga patakaran ng DOLE.

Pananagutan ng mga magulang o legal guardian na matiyak ang pagsunod sa RA 9231 at mga implementing rule nito.

Obligado rin ang mga employer at iba pang responsableng partido na sundin ang pagbabawal sa worst forms of child labor, limitasyon sa working hours at partisipasyon sa ilang advertisement, mga tuntunin sa kita ng bata, at mga proteksiyon sa edukasyon, pagsasanay, kalusugan at iba pang pangunahing serbisyo.

Hinimok ng DOLE ang publiko na i-report sa kagawaran o kaukulang awtoridad ang pinaghihinalaang paglabag upang maimbestigahan at maaksyunan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles