Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pinya ng Pilipinas nakapasok na sa Middle East markets

DUBAI, United Arab Emirates – Nakapasok na sa United Arab Emirates (UAE) ang 18-metric ton shipment ng de-kalidad na MD2 pineapples mula Pilipinas, hudyat ng lumalakas na demand sa sariwang produktong Pinoy sa Middle East.

Dumating ang shipment nitong June 28 bilang bahagi ng mas malawak na hakbang ng gobyerno na palawakin ang agricultural exports at bawasan ang pagdepende sa tradisyunal na merkado.

Ginawa ang launch ceremony sa Al Aweer Fruit and Vegetable Market sa Dubai, kasama ang mga opisyal mula sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi, Philippine Consulate General sa Dubai, Philippine Trade and Investment Center-Dubai, at Office of the Agricultural Attaché (OAA)-Dubai ng Department of Agriculture (DA).

Kasama rin sa aktibidad ang private sector partners na nanguna sa export initiative.

Binubuo ang shipment ng 1,500 boxes ng sariwang MD2 pineapples mula sa mga taniman sa Tampakan, South Cotabato. Dumaan ito sa Port of Khor Fakkan bago ipinamahagi sa mga pamilihan sa buong UAE.

Inorganisa ng OAA-Dubai ang aktibidad bilang bahagi ng hakbang para magbukas ng bagong markets, palakasin ang trade ties, at isulong ang Philippine agricultural exports sa Middle East.

Sa tulong ng Philippine foreign service posts at private sector, pinadali ng agricultural attaché ang market access, iniugnay ang exporters sa overseas buyers, at tumulong sa pagtugon sa market-entry requirements para sa agricultural products ng Pilipinas.

Ayon sa mga opisyal, inaasahan ang regular shipment kada dalawang linggo, senyales ng tuloy-tuloy na demand para sa high-quality tropical fruits ng bansa sa isa sa pinakamabilis lumaking food import markets sa rehiyon.

Ang shipment ay inorganisa ng Davao-based exporter na Mensch FIL-Am Trading sa partnership sa Avante Agri-Products Philippines Inc., habang sinuportahan ng Octagen General Trading LLC sa UAE ang distribution.

Nakikipagtulungan din ang kumpanya sa partners sa Saudi Arabia at iba pang Gulf markets para mamahagi ng prutas ng Pilipinas, kabilang ang saging, mangga, durian, at suha.

Bahagi ito ng estratehiya ng DA sa ilalim ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na palawakin ang agricultural exports, pagbutihin ang logistics at post-harvest systems, at itaas ang competitiveness ng high-quality Philippine produce sa global market.

Nakaangkla rin ang export drive sa agenda ni President Ferdinand Marcos Jr. na gawing moderno ang agrikultura at pataasin ang kita ng farmers sa pamamagitan ng mas malawak na market access at mas malakas na agricultural value chains.

Habang tumataas ang global demand sa tropical fruits, inaasahang tutulong ang OAA-Dubai para mapalalim ang presensya ng Philippine exporters sa UAE at Gulf region, magbukas ng mas maraming export opportunities, at maghatid ng mas magandang kita sa Filipino farmers. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles