Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA naghahanda sa El Niño gamit ang datos, irrigation at cold storage

Pinabibilis ng Department of Agriculture (DA) ang paghahanda sa nakaambang El Niño na inaasahang lalakas pagsapit ng November, gamit ang mas mahigpit na regional coordination, mas mabilis na proyekto, at pagpaplanong nakabatay sa datos.

Sa flag ceremony noong Lunes, June 29, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na may konkretong progreso ang DA sa unang kalahati ng taon, batay sa internal assessments at mga pagsusuri ng Commission on Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM).

Pero giit niya, mas mabigat ang trabaho sa natitirang bahagi ng taon dahil kailangang sabayan ang banta ng masamang panahon at food security challenges.

Kaayon ito ng mga prayoridad na inilatag ni Tiu Laurel sa midyear Management Committee meeting ng DA noong nakaraang linggo, kung saan iginiit niya ang maagap na aksyon bago pa lumala ang problema.

“Ang kahandaan ang susi upang hindi maging krisis ang isang hamon, at hindi mauwi sa sakuna ang isang krisis. Ito ang dapat nating maging gabay sa mga susunod na buwan,” ani Tiu Laurel.

Ayon sa weather forecasters, posibleng makaranas muli ang bansa ng malakas na El Niño na maaaring sumagad sa November, kaya kritikal ang mga susunod na buwan para sa food production.

Sinabi ni Tiu Laurel na mas maaga ngayon ang paghahanda ng DA kumpara sa nakaraang El Niño, kaya dapat agad ipatupad ang mitigation measures.

Paborable rin aniya ang ilang external conditions. Bumaba ang presyo ng langis at fertilizer, mula sa humigit-kumulang USD930 kada metric ton tungo sa nasa USD450. Pagsapit ng August, inaasahang babalik ang retail price ng fertilizer sa bansa sa halos pre-war level na P1,600 hanggang P2,000 bawat sako.

Ayon kay Tiu Laurel, pagkakataon ito para hikayatin ang farmers na sulitin ang pagtatanim bago tumindi ang tagtuyot.

Inatasan niya ang DA na pabilisin ang irrigation, water impounding, at climate adaptation projects, kabilang ang small farm reservoirs na maaari ring sumuporta sa fisheries at magbigay ng dagdag na pagkain at kita sa farmers.

Itinutulak din ni Tiu Laurel ang food systems approach, kung saan magkakaugnay na pamamahalaan ang produksyon, storage, logistics, weather information, at market demand gamit ang real-time data.

Halimbawa, sapat aniya ang produksyon ng sibuyas at karot sa bansa, pero patuloy pa ring umaangkat dahil kulang ang storage at cold chain infrastructure.

Kaya kailangan ang dagdag na cold storage, blast freezers, at logistics facilities para mapanatili ang kalidad ng lokal na ani, mapahusay ang distribusyon, at mabawasan ang pagdepende sa imported food.

Inatasan din ang regional offices na tukuyin ang pangunahing agriculture at fisheries products bawat probinsya, sukatin ang production capacity, at tantiyahin ang post-harvest losses bilang batayan ng investments sa storage, processing, at cold chain infrastructure.

Sa susunod na dalawang taon, malinaw ang DA strategy: kumilos nang mas maaga, magplano nang mas mahusay, gumamit ng mas de-kalidad na datos, at palakasin ang sektor ng agrikultura para unti-unting mabawasan ang import dependence ng bansa. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles