Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber ang apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at pinagtibay ang hurisdiksyon ng korte sa kasong crimes against humanity laban sa kanya.
Sa desisyon nitong Miyerkules, April 22, kinumpirma ng Appeals Chamber ang naunang ruling ng ICC Pre-Trial Chamber I noong October 28, at tinanggihan ang hamon ng depensa sa kapangyarihan ng ICC na litisin ang kaso.
“Having rejected the entire appeal, the Appeals Chamber considers that the defense request for the immediate and unconditional release of Mr. Duterte is moot,” ayon kay Presiding Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza.
Binubuo ang Appeals Chamber nina Carranza, Judge Tomoko Akane, Judge Solomy Balungi Bossa, Judge Gocha Lordkipanidze, at Judge Erdenebalsuren Damdin. Ayon sa tala, ibinasura ng mayorya ang apela, habang si Lordkipanidze ay naglabas ng partial dissent sa ikalawang argumento.
Sa pagbasa ng desisyon, sinabi ni Carranza na nakita ng Appeals Chamber ang “no error” sa interpretasyon ng Pre-Trial Chamber I sa Articles 12 at 13 ng Rome Statute, na nagtatakda na ang isang estado ay dapat kasapi sa kasunduan sa oras na gamitin ng ICC ang hurisdiksyon nito.
Dagdag pa rito, sinabi ng korte na ang mga probisyong ito ay dapat basahin kasama ang Article 127, na tumutukoy sa epekto ng pag-withdraw ng isang bansa sa Rome Statute.
Ayon sa Appeals Chamber, ang Rome Statute ay dapat unawain sa isang “systemic manner” na naaayon sa layunin nitong wakasan ang impunity sa mga pinakamabibigat na krimen.
Idinagdag pa na hindi naaayon sa layuning ito na payagan ang isang bansa na umiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pag-withdraw mula sa kasunduan kapag nalaman nitong iniimbestigahan na ang mga umano’y krimen sa loob ng teritoryo nito.
Inilabas ang desisyon sa open court, kung saan tinalikuran ni Duterte ang kanyang karapatang dumalo. Kinakatawan siya ng kanyang Defense Counsel na si Nicholas Kaufman.
Sa hiwalay na abiso, sinabi ng ICC na ang ruling na ito ay hiwalay sa magiging desisyon kung kukumpirmahin ang mga kaso laban kay Duterte, na inaasahang ilalabas “not later than April 28.”
Si Duterte ay pinaghihinalaang sangkot sa crimes against humanity, kabilang ang murder at attempted murder, na umano’y ginawa bilang bahagi ng kampanya laban sa iligal na droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Inaresto si Duterte noong March 12, 2025 at kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC. /Bistado


