Muling humarap sa courtroom ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules, September 16, sa kanyang unang personal na pagharap sa mga hukom sa loob ng 18 buwan.
Nakasuot ng black suit at white shirt ang 81-anyos na dating Pangulo habang dinidinig ng ICC ang usapin tungkol sa kanyang kalusugan at kakayahang lumahok sa proceedings. Hindi nagsalita si Duterte sa pagdinig.
Sentro ng proceedings ang fitness ni Duterte na humarap sa paglilitis sa crimes against humanity charges kaugnay ng mga pagpatay sa kanyang anti-drug campaign.
Iginiit ng kanyang defense lawyers na nakararanas ang dating Pangulo ng cognitive decline na nakaaapekto umano sa kanyang memory at daily functioning, dahilan upang kuwestiyunin ng kampo niya kung kaya niyang makabuluhang lumahok sa trial.
Nauna namang nagpasiya ang ICC judges noong January na fit si Duterte na lumahok sa pre-trial proceedings. Iniutos din ang personal niyang pagharap sa courtroom sa halip na sa pamamagitan ng video link mula sa detention center.
Nahaharap si Duterte sa charges of crimes against humanity of murder kaugnay ng mga pagpatay na iniuugnay sa anti-drug campaign. Sakop ng kaso ang mga alegadong krimen mula November 2011 hanggang March 2019, kabilang ang panahon niya bilang mayor ng Davao City at bilang Pangulo.
Inaresto si Duterte sa Manila noong March 2025 at kalaunan ay dinala sa The Hague, Netherlands, kung saan siya nananatili sa ICC detention center.
Patuloy na kinukuwestiyon ng kanyang kampo ang kaso at ang hurisdiksyon ng ICC. Noong April 2026, pinagtibay naman ng ICC Appeals Chamber ang jurisdiction ng korte sa kaso.
Tinatayang mahigit 6,000 drug suspects ang napatay sa police anti-drug operations batay sa official Philippine government figures, habang mas mataas ang estimates na binabanggit ng human rights groups at ICC prosecutors.
Iginiit noon ni Duterte na inutusan niya ang mga pulis na gumamit lamang ng lethal force bilang self-defense kapag nanganganib ang kanilang buhay.
Mahalaga ang usapin sa fitness dahil nakasalalay rito kung maaari nang umusad ang kaso patungo sa trial. Nakatakdang magsimula sa November ang paglilitis, depende sa magiging mga desisyon ng ICC kaugnay ng kakayahan ni Duterte na lumahok sa proceedings. /Bistado


