May isang lungsod sa Metro Manila na hindi lang tubig-ulan ang umaapaw ngayon.
Pati tanong sa budget.
Kamakailan ay ibinunyag ng isang beteranong senador na umabot na umano sa bilyones ang slope protection at drainage projects na kanyang grupo ay binubusisi sa lungsod. Banat nga niya: posibleng “ghost” projects ang mga ito.
Pero habang may naghahanap ng multo sa mga dokumento, may mga residente namang tila naghahanap ng natapos na proyekto sa mismong komunidad.
May mga kabistong nagbanggit sa matagal nang hindi matapos-tapos na renovation ng isang barangay hall sa nasabing lungsod.
Ang malaking tanong: sino raw ang contractor?
May sumagot ng palayaw. May isa namang tahasang nagturo sa mga kumpanyang pagmamay-ari ng isang pamilyang contractor na nadawit na sa flood-control controversy.
May sumagot ding tinerminate na raw ang mga proyekto ng naturang grupo kaya natengga ang konstruksiyon. Ang isa pang paliwanag, naka-hold daw dahil wala nang budget para tapusin.
Pero walang kontrata, project ID, termination order o accomplishment report na inilabas sa discussion. Kaya sa ngayon, chika at alegasyon lamang ang mga ito—hindi pa ebidensya.
Kung totoong tinerminate ang kontrata sa barangay hall, nasaan ang termination order? Kung kinapos sa budget, magkano na ang nailabas at magkano ang accomplishment?
Kung ibang contractor ang tumapos—or dapat sanang tumapos—sino ngayon ang mananagot sa delay at posibleng depekto?
At kung wala naman palang anomalya, bakit hindi ilabas ang notice of award, notice to proceed, variation orders, billings, inspection reports at geotagged photographs?
May isa pang reklamo ang ilang kabisto: ang mga e-jeep daw na binili ng lokal na pamahalaan ay dapat naka-aircon, pero para na raw pugon kapag sinasakyan.
Maliit na reklamo kung ikukumpara sa bilyong pisong drainage projects. Pero pareho ang tanong: maayos ba ang procurement, inspeksiyon at maintenance ng mga proyektong binayaran ng publiko?
Hindi awtomatikong katotohanan ang mga bulong-bulungan. Pero kapag ang reklamo ng mga residente at ang dokumentadong alegasyon ng isang senador ay parehong tumuturo sa kakulangan ng malinaw na project records, hindi na sapat ang simpleng “fake news” o “namumulitika lang” bilang sagot.
Lalo pang mabigat ang usapan dahil may binanggit ding overlapping project spans at alegasyon ng 25-percent kickback. Patuloy pa raw ang pangangalap ng documentary at testimonial evidence, at wala pang pinal na finding ang mga awtoridad.
Kaya bago magturuan, baka puwedeng unahin ang resibo.
Clue para sa mga gustong manghula: Balwarte ito ng isang makapangyarihang political clan na siyang tinuturo ding prime beneficiary ng mga anomalyang ito. Dito matatagpuan ang isang sikat na global business district. At kung pagbabatayan ang dami ng slope protection projects, parang hindi lang tabing-ilog ang gustong protektahan.
Yun na. Bistado!


