Suspendido ang klase sa ilang bahagi ng bansa ngayong Biyernes, July 24, habang nagbabala ang Pagasa sa malakas hanggang matinding ulan dulot ng Tropical Cyclone Kiyapo at Habagat.
Sa Weather Advisory No. 13 na inilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ngayong alas-11 ng umaga, posibleng bumuhos ang 100 hanggang 200 millimeters na ulan sa Batanes, Cagayan, Apayao at Ilocos Norte mula Biyernes hanggang tanghali ng Sabado, July 25.
Inaasahan naman ang 50 hanggang 100 millimeters na ulan sa Isabela, Kalinga, Abra, Benguet, Ilocos Sur at La Union.
Dahil sa Habagat, posible rin ang 50 hanggang 100 millimeters na ulan sa Occidental Mindoro, Palawan, Antique, Iloilo, Guimaras at Negros Occidental hanggang tanghali ng Sabado.
Mula tanghali ng Sabado hanggang tanghali ng Linggo, July 26, katamtaman hanggang malakas na ulan ang inaasahan sa Bataan at Occidental Mindoro.
Nagbabala ang Pagasa na maaaring mas mataas ang aktuwal na ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Posible ring lumala ang epekto sa mga lugar na nababad na sa ulan nitong mga nakaraang araw.
Dahil sa masamang panahon, kanselado ang klase sa mga sumusunod:
Sa Pagudpud, Ilocos Norte, suspendido ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, pati ang trabaho sa pamahalaan. Sa Santo Niño, suspendido ang klase mula preschool hanggang senior high school sa pampubliko at pribadong paaralan.
Sa General Trias, Cavite, walang face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan.
Suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa Jordan, Guimaras; Bacolod City; Sultan Kudarat; Pigcawayan, Cotabato; Maguindanao del Norte; Maguindanao del Sur; at Sibuco, Zamboanga del Norte.
Sa Norala, South Cotabato, face-to-face classes lamang ang suspendido.
Pinayuhan ang mga lokal na disaster risk reduction and management office na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang para maprotektahan ang buhay at ari-arian.
Maaari ring maglabas ang mga regional division ng Pagasa ng heavy rainfall warnings, thunderstorm advisories at iba pang babala batay sa lagay ng panahon sa kani-kanilang lugar. /Bistado


