Habang sinasabing nasa kamay na ng Czech Republic si dating kongresistang Zaldy Co, umamin ang Department of Justice (DOJ) recently na wala pa ring malinaw na sagot kung nasaan talaga siya ngayon at kung ano na ang kalagayan niya.
Sa Prague, sinabi ni DOJ Acting Secretary Fredderick Vida na patuloy pang bine-beripika ang kinaroroonan ni Co, at wala siyang “specific answer” kung nasa Czech Republic pa nga ba ito. Dagdag pa niya, wala pa siyang “relevant and validated information” kaya ayaw niyang mag-speculate habang hindi pa tapos ang pakikipagpulong sa Czech authorities.
Si Vida at Chief State Counsel Dennis Chan ay nasa Prague para makipag-ugnayan sa Czech authorities tungkol sa kaso ni Co at sa mga opsiyon para maibalik siya.
Sa Maynila, nilinaw ng DOJ na hindi “inaresto” si Co sa Czech Republic sa teknikal na kahulugan ng salita. Ayon sa paliwanag ng DOJ, ang nangyari ay mas katulad ng immigration restraint: hindi man ito itinuturing na pormal na pag-aresto, may antas pa rin ng pagkakait ng kalayaan dahil sa usaping dokumento at pagpasok.
Sinabi rin ng DOJ na may opisyal na law enforcement action na naganap sa Czechia at, batay sa pinakahuling ulat nila, nasa hurisdiksiyon pa rin ng Czech authorities si Co. Gayunman, hindi rin direktang masagot ng DOJ kung napakawalan na ba siya o patuloy pang hawak ng mga awtoridad.
Sa gitna ng kalituhan, pinasok ng Malacañang ang usapan at iginiit na walang banggaan sa mga pahayag ng Pangulo at ng DOJ. Ayon sa Palasyo, ang ulat ng Pangulo ay tungkol sa custody dahil sa kakulangan sa proper documentation at immigration concerns, hindi isang pormal na “arrest.”
Samantala, nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginagawa ng gobyerno ang mga legal na hakbang para maibalik si Co sa Pilipinas at pananagutin. /Bistado


