Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘Kung hindi false, e di totoo’: Ridon binuweltahan ang kampo ni VP Sara

Binuweltahan ni House Committee on Public Accounts Chair at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang pinakahuling paliwanag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi raw nagpapahina sa depensa ng bise ang mga isyung lumutang sa House hearings. 

Diin ng konggresista, mas lalo pa nitong pinaiigting ang tanong sa gap ng mga numerong deklarado sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at mga numerong inilabas ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Reaksyon ito ni Ridon sa pahayag ni Duterte spokesperson Atty. Michael Poa na ang “cash in bank” umano ay hindi “omitted” sa SALN kundi nailagay lang sa “others.” Ayon pa kay Poa, ang AMLC figures daw ay “sum of transactions over 18 to 19 years,” hindi ang “remaining balance” sa mga account.

Para kay Ridon, hindi nito natatakpan ang mismong banggaan ng rekord at deklarasyon. “Kung hindi false, eh di totoo. No amount of word jumbling, logical fallacies, and arm-twisting can make that basic problem disappear,” aniya. “Kapag inamin mong dumaan ang ganoon kalalaking halaga sa mga account, hindi mo puwedeng takasan ang tanong kung bakit hindi iyan tumutugma sa SALN.”

Binalikan din niya ang mismong SALN requirements. “Kasi yung SALN law mismo, there is specific provisions po roon. Nakalagay doon: cash on hand, cash in bank,” ani Ridon. “Hindi natin maintindihan bakit bigla na lang… itong mga pera, supposedly on hand and in bank… nailalagay sa ‘others,’ when in fact, prior to 2019, nire-report naman nila ‘yan na cash in bank at cash on hand.”

Kung 2019 pataas ang pagbabago, tanong niya: “So ano yung nagbago noong 2019 onwards? Lalo’t higit, hindi ba naman nagbago yung SALN law? Pareho lang naman ‘yun—requires a line item for cash deposits and cash on hand.” Dagdag pa niya: “Ang SALN ay hindi puwedeng taguan ng detalye. Disclosure document iyan. Ang layunin niyan ay linawin, hindi palabuin.”

Itinuro ni Ridon ang mga rekord na tinalakay sa House Committee on Justice proceedings noong April 22. Ipinakita ng Office of the Ombudsman ang SALN history ni Duterte mula 2007 hanggang 2024: ang declared net worth ay mula P7.25 million noong 2007 hanggang P88.51 million noong 2024. Sa parehong proceedings, iniulat ng AMLC ang P6.77 billion sa covered at suspicious transactions na iniuugnay kina Duterte at sa asawa niyang si lawyer Manases Carpio—kabilang ang combined inflows na P4.42 billion, outflows na P1.55 billion, at P791.1 million na undetermined transactions.

“Magkaiba ang milyon sa bilyon. Hindi ito simpleng formatting issue o misunderstanding sa spreadsheet,” ani Ridon. “Kapag ganyan kalaki ang agwat, hindi ka makakalusot sa linyang mali lang ang presentasyon.”

Giit niya, kailangang sagutin ang basic accounting. “Sa likod po ng P6.7B in total transactions, P4.4B in inflow doon po sa mag-asawang Duterte-Carpio, iyan po yung kailangang paliwanagan,” sabi niya. “Outflows naman, saan mo napunta yung pera rin?”

At kung may nananatili sa sistema: “Ang neto po ng inflow at outflow ay P2.85B, kung nanatili po ito sa sistema, nasaan po ‘yun? At kung andun po ‘yun, bakit wala po ‘yun sa P88M net worth?”

Hamon ng House leader: “Harapin ang AMLC. Harapin ang SALN. Harapin ang mga dokumento.” At: “Kung may paliwanag, dalhin sa forum na may tanong, may record, at may pananagutan.”

“Hindi mabubura ng wordplay ang dokumento. Hindi mababaluktot ng spin ang numero,” pagtatapos ni Ridon. “Kung hindi false, eh di totoo. At kung totoo, mas lalong kailangang ipaliwanag.” /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles