Pitong overseas Filipino workers (OFWs) ang nasugatan, kabilang ang tatlong nasa kritikal na kondisyon, sa mga pag-atake sa iba’t ibang bahagi ng Saudi Arabia.
Kinumpirma ito ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes, October 19, batay sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW).
Nakikipag-ugnayan na ang dalawang ahensya sa mga awtoridad ng Saudi Arabia upang matiyak na mabibigyan ng kinakailangang gamutan at tulong ang mga sugatang Pilipino.
Nagpaabot din ang pamahalaan ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi sa pag-atake at hangad ang agarang paggaling ng mga nasugatan.
Ayon sa DFA, seryosong banta sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon ang mga pag-atake.
Nanawagan ang Pilipinas sa lahat ng sangkot na itigil ang labanan at pairalin ang diplomasya at mapayapang pag-uusap.
Halos isang milyong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Pinayuhan ng DFA ang mga Pinoy sa nasabing bansa na sundin ang mga abiso ng Saudi authorities at manatiling nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy at Consulate General para sa kanilang kaligtasan.
Hindi pa nagbigay ang DFA ng detalye tungkol sa pagkakakilanlan ng pitong nasugatan o sa eksaktong lugar ng mga pag-atake. /Bistado


