Target matapos sa ikalawang quarter ng 2027 ang bagong passenger terminal ng Caticlan Airport sa Aklan, pangunahing paliparan ng mga turistang patungong Boracay, ayon sa San Miguel Corporation (SMC).
Kinumpirma ni Transportation Secretary Giovanni Lopez sa EJAP Infrastructure Forum nitong Lunes, October 19, na naninindigan ang SMC sa target completion date ng proyekto.
May lawak na 36,000 square meters ang bagong terminal na kayang tumanggap ng hanggang pitong milyong pasahero kada taon.
Inaasahang mapapabilis nito ang check-in, security screening at baggage handling habang nababawasan ang siksikan sa paliparan.
Sinimulan noong 2025 ang konstruksiyon bilang bahagi ng modernisasyon ng Godofredo P. Ramos Airport.
Pinangangasiwaan ang proyekto ng Trans Aire Development Holdings Corp., subsidiary ng SMC, sa ilalim ng 25-taong concession agreement sa Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines.
Sakop nito ang pagpopondo, pagtatayo, operasyon at maintenance ng paliparan.
Layunin ng bagong terminal na palakasin ang kapasidad ng Caticlan Airport habang patuloy na dumarami ang mga turistang bumibisita sa Boracay at iba pang bahagi ng Aklan. /Bistado


