Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang hirit ng defense team ni former President Rodrigo Duterte na ipasuri sa independent expert ang open-source at user-generated evidence sa kanyang kaso.
Sa desisyong inilabas noong September 28, hindi pinagbigyan ng ICC Trial Chamber ang panukalang baguhin ang E-Court Protocol para obligahing dumaan sa expert verification ang naturang digital materials bago magamit bilang ebidensiya.
Naunang humiling ang Duterte defense noong September 3 na amyendahan ang protocol. Tumutol ang prosecution.
Kinuwestiyon ng defense ang authenticity at reliability ng digital evidence na posibleng magmula sa internet, social media at iba pang open sources.
Pero hindi kinatigan ng Trial Chamber ang blanket requirement na lahat ng naturang materials ay kailangang ipa-verify muna sa expert. Ayon sa desisyon, posibleng maging disproportionate ang requirement at magdulot ng pagkaantala sa proceedings.
Hindi naman nangangahulugan ang ruling na awtomatikong ituturing na authentic o reliable ang bawat open-source material na ihaharap sa korte. Dadaan pa rin sa ICC ang mga ebidensya para suriin ang authenticity, reliability at evidentiary weight ng mga ito habang umuusad ang kaso. /Bistado


