Dalawang Pilipinong seafarer ang nasawi, 12 ang nasugatan at isa ang nawawala kasunod ng mga pag-atake ng drone sa mga commercial ship sa northern Black Sea, sa labas ng southern Ukraine.
Sa isang press conference nitong Lunes, July 20, kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang mga casualty sa mga barkong dumaraan sa naturang karagatan o nakadaong sa mga pantalan sa southern Ukraine.
Batay sa tala ng DMW, as of July 20, siyam na barkong may mga Pilipinong tripulante ang iniulat na sinalakay sa lugar.
Hindi pa inilalabas ng kagawaran ang mga pangalan ng dalawang nasawi at nawawalang seafarer, pati ang pagkakakilanlan ng mga barkong sangkot. Patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa mga shipowner, manning agency at pamilya ng mga naapektuhan.
Itinuturing ng International Bargaining Forum (IBF) at DMW ang northern Black Sea bilang high-risk at war-like area dahil sa nagpapatuloy na digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Nahaharap dito ang mga commercial vessel sa banta ng drone at missile attacks, naval mines at iba pang panganib na kaugnay ng labanan.
Saklaw ng espesyal na safety protocol at war-risk provision sa ilalim ng international maritime labor agreements ang mga seafarer na ipinadadala sa lugar.
Muling pinaalalahanan ng DMW ang mga Pilipinong seafarer na iwasan ang paglalayag sa mga idineklarang high-risk at war-like area.
Patuloy na minomonitor ng kagawaran ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya at employer para maibigay ang kinakailangang tulong sa mga apektadong seafarer at kanilang pamilya. /Bistado


